Email This Page Email This Page
angfrayle on January 29th, 2009

Para sa ika-5 Linggo ng Panahong May Bilang (Ordinary Time), ipinagpapatuloy ay pagbasa tungkol sa “Isang Araw sa Buhay ni Hesus” na nagsimula sa Markos 1:21-28. Ikiniwento sa Markos 1:29-39 ang ginawa ni Hesus pagkalabas ng sinagoga hanggang sa susunod na umaga.

Ang Teksto

29Agad silang umalis sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres. Kasama nila sina Santiago at Juan. 30Ang ina ng asawa ni Simon ay nakaratay na nilalagnat. Agad nilang sinabi kay Jesus ang patungkol sa kaniya. 31Nilapitan siya at ibinangon ni Jesus na hawak ang kaniyang kamay. Kaagad na umalis ang lagnat ng babae at ito ay naglingkod sa kanila.

32Sa pagdapit-hapon, pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. 33Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan. 34Marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit. Nagpalayas din siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinayagang magsalita ang mga demonyo sapagkat kilala nila kung sino siya.

35Nang madaling-araw na, habang madilim pa, si Jesus ay bumangon at lumabas. Pumunta siya sa ilang na dako at doon ay nanalangin. 36Hinanap siya ni Simon at ng kaniyang mga kasama. 37Nang makita nila siya ay sinabi nila: Hinahanap ka ng lahat!

38Sinabi niya sa kanila: Tayo na sa mga kabayanan upang makapangaral din ako roon sapagkat iyan ang layon ng pagparito ko. 39Kaya sa buong Galilea, si Jesus ay nangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

  1. Saan nagmula si Hesus bago pumunta sa bahay ni Simon?
  2. Sinu-sino ang kasama ni Hesus? Saan unang nakatagpo ni Hesus ang mga ito? Bakit
  3. kasama-sama sila ni Hesus?
  4. Sino ang maysakit? Ano ang kanyang sakit?
  5. Ano ang ginawa ni Hesus sa maysakit?
  6. Ano ang “reaksyon” ng lagnat?
  7. Ano ang tugon ng babaeng gumaling?
  8. Kailan natatapos ang araw ng mga Hudyo?
  9. Ano ang ginagawa ni Hesus paglubog ng araw?
  10. Ano ang kanyang bilin sa mga demonyo? Ano ang sekreto ni Hesus?
  11. Paano inuumpisahan ni Hesus ang kanyang araw?
  12. Bakit siya pinuntahan ni Simon? Ano ang tugon ni Hesus kay Simon?
  13. Ano ang kaugnayan ng pagpunta ni Hesus sa ibang pook at ang kanyang pahayag sa pagdatal ng paghahari ng Diyos?

Pansinin ang mga sumusunod

1. Ang pagpapagaling ng biyenan ni Simon ay isang halimbawa ng ginagawa ni Hesus sa mga maysakit. Meron ng halimbawa ng pagpapalayas ng demonyo sa Markos 1:21-28. Sa somaryo na matatagpuan sa talata 34 ay makikita na ang dalawang grupo ng mga taong pinapagalling ni Hesus ay yaong mga may karamdaman at yaong inaalihan ng maduming espiritu.

2. “Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan” (33). Sa pintuan ng ano?

3. Ang pagbanggit ni Markos ng panahon: “Sa pagdapit-hapon, pagkalubog ng araw (32)… Nang madaling araw na, habang madilim pa (35)…” Mapapansin dito na parang walang pahinga si Hesus.

Para sa mas malalim na pagunawa sa teksto…

1. Pag-aralan ang iba pang banggit ng panalangin ni Hesus kay Markos sa 6:46 at sa 14:35,39. Ano ang pagkakatulad ng mga ito sa 1:35?

2. “Hinahanap ka ng lahat”. Ang pandiwang “hinahanap” ay pagsasalin sa griyegong zetein na ginagamit ni Markos sa mga talatang ito: 11:18, 12:12 (pagtangkaan);14:1,11,55. Pag-aralan ang konteksto ng mga banggit na ito at unawain na sa 1:36 ang “zetein” ay pagtatangkang pigilin si Hesus sa kanyang misyon.

3. Kumuha ng isang Diksyonaryong pam-Bibliya at alamin kung ano ang nasusulat tungkol sa Sekreto Mesiyaniko (Messianic Secret)

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.