Sa Mateo 11:25-30 ay makakatagpo ng tatlong sabi ni Jesus: (a)isang panalangin ng pasasalamat sa Ama; (b) isang pahayag tungkol sa kung anong uri ng kaugnayan mayroon ang Ama at ang Anak; at (c), isang paanyayang lumapit kay Jesus. Nagpapasalamat si Jesus dahil sa kagustuhan ng Ama na ipahayag ang kalooban sa mga tulad ng mga bata. Ipinahayag ni Jesus na siya bilang “Ang Anak” ang kaisa-isang namimili kung kanino ipapahayag ang mga bahay na nais ipaalam ng Ama. At sa huli, ang kanyang paanyaya para sa nagnanasa ng kaligtasan mula sa mga pabigat na sumisiil sa kanila. Sa mga salitang ito’y nagpapakilala si Jesus bilang “Ang Anak” na ating kinikilala sa ating pag-aantanda “sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Ang Teksto
27 “Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.
28 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako’y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Sino ang nagsasalita?
- Sino ang kanyang pinasasalamatan?
- Ano ang “Ama” sa orihinal na wika ni Jesus? 1
- Ano ang “mga bagay” na inililihim ng Ama? 2
- Kanino ito inililihim ng Ama? Kanino naman naghahayag ang Ama?
- Sa ebanghelyo ni Mateo, sino ang mga “marurunong at matatalino”? Sino naman ang mga “may kaloobang tulad ng bata”?
- Nangyari ba ito dahil si Jesus ay hindi tinanggap ng mga “marurunong at matatalino”? 3
- Sino ang “Anak”? Ano ang “lahat ng bagay” na ibinigay ng Ama sa Anak?4
- Sino ang nakakakilala sa Ama? Kanino naman ipinahayag ng Anak ang mga nalalaman Niya mula sa Ama? 5
- Sino ang nag-aanyaya na lapitan siya? Sino ang kanyang mga inaanyayahan? Ano ang ibibigay niya sa lalapit?
- Mayroon ba kayong mga kilalang “nahihirapan at nabibigatan ng lubha”? Sino ang mga tinutukoy dito?
- Ano ang “pamatok” ni Jesus? Ano ang “pasanin” na ibibigay ni Jesus?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
- Ihambing ang Mateo 11:25-27 sa Lukas 10:21-22. Saang mga konteksto natatagpuan ang mga talatang ito? Magkatulad ba ang konteksto o magkaiba?
- Ihambing ang Mateo 11:27 sa mga sumusunod na talata mula sa ebanghelyo ni Juan (at ng konteksto ng mga ito)
- Juan 3:35
- Juan 5:19-20
- Juan 6:37
- Juan 15:15-16
- Para sa tt. 28-30, pansinin ang mga sumusunod
- “bibigyan ko kayo ng kapahingahan” ay katulad ng matatagpuan sa Jeremiah 6:16. Paano, ayon kay Jeremias makakatagpo ng kapahingahan?
- “pamatok” at “pasanin”, para sa mga Judio, ay ang mga Kautusan ng Diyos, ang Torah. Ang “pamatok” at “pasanin” ni Jesus ay ang kanyang Torah, na ipinahayag sa Sermon sa Bundok (Mateo 5-7). Paano nagiging “magaan” at “madali” ang Torah ni Jesus?
- Abba↩
- Sa liwanag ng mga naunang talata, "ang mga bagay" ay tumutukoy sa mga ipinapahayag ni Jesus.↩
- Hindi. Iyon ay talagang nais ng Ama.↩
- Lahat ng may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng kaligtasan ng tao at ng kapangyarihan sa langit at lupa.↩
- Sa kanyang mga pinili, ang kanyang mga naging alagad. Tingnan, Juan 15:15↩



