Para sa unang Linggo ng Cuaresma, may dalawang larawan na ipinapakita sa atin ang Iglesya. Ang unang larawan ay nagpapakita ng isang mundong nalinis pagkatapos ng apatnapung araw at gabing pag-ulan at pagbaha. Sa isang bahagi ng larawang ito ay makikita ang isang bahaghari, tanda ng tipan kay Noe. At sa isa pang bahagi ay makikita ang walong tao na lumabas sa arko. Sila ang pagasa ng mundo, sila na umahon mula sa tubig. Wika ni San Pedro sa kanyang sulat, ang mga ito ay katumbas ng mga Kristiyano na naligtas sa pamamagitan ng tubig ng binyag.
Sa ikalawang larawan ay makikita si Hesus sa ilang, tinutukso ni Satanas. Ito ay larawan ng mga Kristiyanong namanata na kanilang tatanggihan si Satanas, ang kanyang mga kasinungalingan at mga gawa. Ito ang larawang ating pag-aaralan at pagninilayan sa pahinang ito.
Ang Teksto
12At kaagad siyang itinaboy ng Espiritu sa ilang. 13Apatnapung araw siyang naroroon sa ilang at tinutukso ni Satanas. Ang kasama niya roon ay maiilap na hayop. At pinaglingkuran siya ng mga anghel.
14Pagkatapos maipabilango ni Herodes si Juan, pumunta sa Galilea si Jesus at nangaral ng ebanghelyo ng paghahari ng Diyos. 15Sinasabi niya: Naganap na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Magsisi1 kayo at sampalatayanan ninyo ang ebanghelyo.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan nanggaling si Hesus bago siya itinaboy ng Espiritu? Ano ang ipinaalam sa atin bago itaboy si Hesus sa ilang?
- Saan nanggaling ang Espiritung nagtaboy kay Hesus? (Pagkatapos nito anong uri ng espiritu naman ang itataboy ni Hesus?)
- Saan itinaboy si Hesus? Bago itinaboy si Hesus sa ilang, ano na ba ang nangyari sa ilang? Ilang araw si Hesus sa ilang? Alamin ang kahalagahan ng bilang na apatnapung araw sa Lumang Tipan dito: BibleGateway
- Ano ang nangyari sa kanya duon?
- Sino si Satanas? Alamin dito kung saan-saang talata sa Bibliya binabanggit ang ngalang “Satanas”: BibleGateway
- Bukod kay Satanas, sino ang kasama niya duon? May kasama siyang tao? Ano ang kalagayan ni Hesus sa ilang, masaya ba?
- Ano ang ginagawa ng mga anghel kay Hesus?
- Kailan nag-umpisang ipahayag ni Hesus ang ebanghelyo?
- Ano ang itinawag ni Markos sa ebanghelyong iyon?
- Ano ang laman ng ebanghelyong ipinahayag ni Jesus?
- Bakit kailangang magbagong-buhay?
- Bukod sa pagbabagong-buhay ano pa ang iniuutos ni Hesus?
Para sa Pagunawa ng Teksto
A. Base sa mga Ebanghelyong nabasa mo na’t napagnilayan, ano ang ibig-sabihin ng mga sumusunod na salita o talata?
1. Banal na Espiritu
2. Ilang
3. Juan Bautista
4. Ebanghelyo
5. Panunukso ni Satanas
Pag-aralan ang mga talatang binabanggit sa Biblegateway
1. Ano ang kahalagahan ng bilang na “apatnapung araw?”
2. Sino si Satanas base sa mga talatang nabanggit?
Ang Teksto sa Pananampalatayang Kristiyano
Subukang unawain ang teksto ng Markos 1:12-15 sa liwanag ng mga sumusunod na talata
1. Mula sa CCC 540
Sa panunukso kay Hesus ay ipinapaalam sa atin kung paanong ang Anak ng Diyos ay Mesiyas: ito ay taliwas sa kaparaanang nais ipagawa sa kanya ni Satanas at sa kaparaanang nais ng mga tao para sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sinugpo ni Cristo ang Manunukso para sa atin: “Sapagkat wala tayong Punong Saserdote na hindi kayang makiisa sa ating mga kahinaan, kungdi isa na sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay ay tinukso tulad natin, ngunit hindi nagkasala.” Ang Iglesya taun-taon ay nakikiisa sa hiwaga ni Hesus sa ilang sa apatnapung araw ng Cuaresma.
2. Mula sa Prepasyo ng Misa (Cuaresma I, Missal na Inggles)
Dahil sa kanyang pagaayuno sa loob ng apatnapung araw,
ang mga araw na ito ay naging banal na panahon ng pagsupil sa sarili.
Sa kanyang pagtanggi sa panunukso ng demonyo ay tinuruan niya kami
na pawiin sa aming buhay ang mga nakatagong kabulukan ng kasamaan
upang kami’y makibahagi ng may malinis na puso sa Hapunan ng Pagbabagong-Buhayhanggang kami’y makarating sa kaganapan nito
sa lupang ipinangakong nasa kalangitan.
- Magbagong-buhay. Ang pandiwang “metanoeo” ay literal na isinasaling “magbago ng isip”; isip ang binabago upang ang uri ng pamumuhay ay mabago rin. Sa Tagalog ang katumbas nito’y pagbabagong-buhay. Kung magsisisi man ang isang tao ay dahil napagaalaman na niya ngayon na ang dati niyang pamumuhay ay walang ibang naging dulot sa kanya kungdi maling desisyon, maling akala, at mga maling gawi. Ang pagbabagong-buhay ay may kasamang pagsisisi — regret — kalungkutang dulot ng maling pag-iisip. ↩




Leave a Reply