Katulad ng ating nakita na sa salaysay ng Paglalakad ni Hesus sa Tubig, ay niretoke ni Mateo ang salaysay ng babaeng Sirofenica sa Markos 7:24-30 upang magbigay ng karagdagang mensahe para sa kanyang sambayanan.
Ang Teksto
Ang mga talatang may kulay o naka-italiko ay ang mga bahagi ng salaysayin ni Marko na niretoke ni Mateo. Ihambing ang kabuuan ng talata sa Markos 7:24-30
21Umalis doon si Hesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon.
22Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, "Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan ito." 23Nguni’t hindi sumagot si Hesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Hesus, "Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin." 24Sumagot si Jesus, "Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo."
25Nguni’t lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, "Tulungan po ninyo ako, Panginoon." 26Sumagot si Hesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso."
27"Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon," tugon ng babae.
28At sinabi sa kanya ni Hesus, "Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo." At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Pansinin ang mga sumusunod
- Sa salaysayin ni Markos, ang babae ay tinawag na Griyega, Sirofenica, nguni’t kay Mateo siya’y tinawag na "Cananea." Alamin sa artikulong ito kung bakit kailangang "Cananea" ang itinawag ni Mateo sa babaeng ito.
- Pansinin na isiningit ni Mateo sa kanyang salaysayin ang pakikipagusap niya sa kanyang mga alagad. Ano ang kanyang sinabi sa yugtong ito ng salaysayin na nagpapakitang may kaugnayan ang kwento sa kanyang misyon?
Malapitang Pag-aaral ng Teksto
- Ipakita ang "daloy ng mga parirala" ng Mateo 15:21-28 at ipakita ang iba’t-ibang yugto ng salaysayin.
- Alamin ang ibig sabihin ng mga sumusunod
- mga ligaw na tupa ng sambahayan ng Israel
- Cananea(o)
- lugar ng Tiro at Sidon
- dakilang pananampalataya (kabaligtaran ng maliit na pananampalataya)
- Subukang sagutin ang mga sumusunod na katanungan
- May kaugnayan ba ang salaysayin ng babaeng Cananea sa usapin tungkol sa malinis at madumi sa mga naunang talata? Ipaliwanag ang iyong sagot.
- Ano ang mga elemento ng salaysayin na katulad ng nakikita sa Luke 18:1-5?
- Paano ipinakita ni Mateo sa salaysaying ito na kahit ang mga Hentil ay maaaring tumanggap ng mga biyayang nakatalaga para sa Israel?


Leave a Reply