“Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan … Nguni’t kung palalayain kayo ng Anak, tunay nga kayong magiging malaya.” (Juan 8:34.36)
Ang salaysay tungkol sa babaeng nahuli sa pakikiapid ay hindi naman talaga tungkol sa pagkakasala ng babae kungdi tungkol sa mga taong nagdala sa kanya kay Jesus. Alam ng mga Pariseo ang sinasabi ng Batas ni Moyses tungkol sa mga nakikiapid, at alam din nila ang hatol sa mga ito. Ngunit hindi ang intensyon ng Batas ang kanilang hanap ng araw na iyon kundi ang ikapapahamak ni Jesus.
Ang tagpo ay nangyari sa Kapistahan ng mga Tolda kung saan inaalala ng mga Judio ang panahon ng paglalakbay nila sa disyerto bilang isang bayang pinalaya ni Yahweh. Sa araw ring ito ay pinalaya ni Jesus ang isang babaeng nasumpungan sa kasalanan. “Humayo ka’t huwag nang magkasala.” Para sa mga nakaranas na ng kahungkagan ng kasalanan ang utos ni Jesus ay isang utos tungo sa kalayaan.
Ang Teksto
1 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa’y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya’t umupo siya at nagsimula siyang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, Guro, ang babaing ito’y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo? 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
7 Patuloy sila sa pagtatanong kaya’t tumayo si Jesus at nagsalita, Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya. 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?
11 Wala po, Ginoo, sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.
Mga Katanungan Tungkol sa Teksto
- Nang pumunta si Jesus sa Bundok ng Olibo, saan siya nanggaling?
- Saan matatagpuan ang Templo? Malapit ba ito sa bundok ng Olibo? Ano ang ginawa ni Jesus nang bumalik siya sa Templo?
- Sino ang dumating na may dalang babae? Ano ang kanilang pakay? Anong uri ng babae ang kanilang dala? Ano ang isinasaad sa Batas ni Moyses tungkol sa mga babaeng ganuon? Ano ang nais nilang ipagawa kay Jesus?
- Ano ang ginawa ni Jesus: tumugon ba agad siya?
- Ano ang ibig sabihin ng kanyang pagsulat sa lupa?
- Ano ang kanyang sinabi sa mga nagdala sa kanya ng babae? Ayon sa batas ni Moyses, sino dapat ang unang babato sa may sala?
- Ano ang ginawa ng mga nagdala ng babae? Natuloy ba ang pagbato?
- Nang mawala na ang mga tao, ano ang ginawa ni Jesus sa babae? Hinatulan ba niya ito? Mayroon bang isinasaad sa ebanghelyo ni Juan na si Jesus ang magbibigay ng hatol?
- Sa hindi pagbibigay ng hatol sa babae, kinunsinti ba ni Jesus ang pagkakasala nito? Binale-wala ba ni Jesus ang pakikiapid ng babae?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa ng Teksto
1. Basahin ang mga sumusunod na talata
- Deuteronomy 22:22.23-24 tungkol sa hatol na ibinibigay sa pakikiapid.
- Deuteronomy 17:7 – ang mga saksi ang unang babato.
2. Ang tagpo sa Juan 8:1-11 ay naganap sa Kapistahan ng mga Tolda kung saan inaalala ng mga Judio ang panahon ng kanilang paglalakbay sa Disyerto. Sa Kapistahang ito ay mahalaga ang mga simbolo ng liwanag at tubig: liwanag na dulot ng kaningningan ng Shekinah at tubig na mula sa Bato. Basahin ang 7:1-8:59 at alamin ang sinasabi ni Jesus tungkol sa paghahatol, si Moyses at ang Batas, ang kalayaang ibinibigay ni Jesus. Ihambing ito sa mga nilalaman ng salaysay sa 8:1-11 kung saan
- ginamit ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng batas ang Batas ni Moyses upang ipahamak si Jesus
- sa salita ni Jesus ay hinatulan ng mga taong humihingi ng hatol ang kanilang sarili
- ang babaeng nahuli sa pakikiapid ay pinalaya ni Jesus




Leave a Reply