
Ang propetang katulad ni Moises ay dumating sa katauhan ni Hesus ng Nazaret. Sa talata ng Markos 1:21-28, pumasok si Hesus sa isang sinagoga ng Cafernaum at namangha ang kanyang mga tagapakinig dahil sa kanyang turo: ito ay bago at makapangyarihan. Patuloy na nagtuturo ang Panginoong Hesukristo mula sa kaibuturan ng ating mga puso. Siya ba ay ating pinakikinggan?
Ang Teksto
Gawan ng daloy ng parirala ang tekstong sumusunod at subukang sagutin ang mga katanungan sa ibaba.
21Dumating sila sa Capernaum. Pagdaka, pumasok si Jesus sa sinagoga nang araw ng Sabat at nagturo. 22Nanggilalas ang mga tao sa kaniyang turo sapagkat nagturo siya sa kanila bilang isang may kapamahalaan at hindi gaya ng mga guro ng kautusan.
23Sa kanilang sinagoga ay may lalaking inaalihan ng karumal-dumal na espiritu na sumisigaw. 24Sinasabi niya: Anong kaugnayan mayroon tayo sa isa’t isa, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami ay lipulin? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos. 25Sinaway siya ni Jesus na sinabi: Tumahimik ka! Lumabas ka sa kaniya! 26Matapos pangisayin ng karumal-dumal na espiritu ang lalaki at sumigaw nang malakas na tinig, ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas mula sa kaniya.
27Namangha ang lahat at sila-sila ay nagtanungan: Ano ito? Ano itong bagong turo? Kapag inuutusan niyang may kapamahalaan ang mga karumal-dumal na espiritu, sumusunod sila sa kaniya. 28Mabilis na kumalat ang balita patungkol kay Jesus sa palibot ng lupain ng Galilea.
1. Saan pumasok si Hesus isang araw ng pamamahinga? Sino ang kanyang mga kasama?
2. Bakit namangha ang mga tao kay Hesus? Bakit siya ipinaris sa mga eskriba? Ano ba ang ginagawa ng isang eskriba?
3. Bukod sa mga kapwa Hudyo na nakikinig kay Hesus, sino pa ang nanduon nang araw ding yaon?
4. Ano ang itinawag ng maduming espiritu kay Hesus? Ang katawagan bang ito’y may kaugnayan sa tawag kay Hesus ng Tinig nuong siya’y binyagan ni Juan?
5. Napaalis ba ni Hesus ang maduming espiritu?
6. Saan nagmumula ang kapangyarihan ni Hesus?
Pansinin ang mga sumusunod
- Sa kabanatang ito, ano ang nais ni Markos na maalala natin: na nagpalayas si Hesus ng masamang espiritu o na siya’y nagtuturo na may kapangyarihan?
- Mayroon ka bang naaalalang teksto ni Markos kung saan makikitang nakatanggap si Hesus ng kapangyarihan bago siya pumunta sa Cafernaum? Kailan yon at paano?
- Tinawag si Hesus na “Ang Banal ng Diyos”. May kaugnayan ba ito sa tawag sa kanya ni Markos: “Anak ng Diyos”? (Markos 1:1)
Para sa mas malalim na pagunawa sa teksto
- Saliksikin ang mga sumusunod
- Nasaan ang Cafernaum?
- Ano ang isang sinagoga? Ano ang ginagawa roon?
- Ano ang isang eskriba? Paano magturo ang isang eskriba?
- Bakit kailangang pagalingin ang isang taong inaalihan ng maduming espiritu? Ang maduming espiritu ba ay demonyo? Ano ang kaugnayan nito kay Satanas na nakaharap ni Hesus sa Markos 1:13-14?
- Basahin ang nakapaligid na mga talata sa binabasang kwento
- Sinu-sino ang mga kasama ni Hesus sa Cafernaum?
- Ano ang ginawa nila sa sinagoga? Paanong nakapagsalita si Hesus duon sa sinagoga?
- Saan sa teksto ng Marko makikita na napabantog nang araw na yaon ang pangalan ni Hesus?




Leave a Reply