Habang papalapit si Jesus sa lugar na kung saan ipaparanas ng Diyos ang kanyang kaligtasan para sa lahat ng mga bansa, may isang ketongin na nagpasalamat sa kanya dahil sa kaligtasang natanggap. Ang ketonging ito ay isang Samaritano, na para sa isang Judio ay isang "estranghero." Sa umpisa pa lamang ng kanyang ministero, nabanggit na ni Jesus kung paanong ang mga hindi Israelita ay pinaburan ng Diyos na makatanggap ng pagliligtas, tulad ng balo ng Zarepath at ni Naaman (tingnan, Lukas 4). Sa kanyang ministero, may mga hindi Israelita na nagpakita kay Jesus ng malaking pananampalataya, tulad isang opisyal na Romano at ang babaeng Syro-Fenicio. Lahat ng mga ito ay katulad ng ketonging Samaritano na bumalik kay Jesus at nagpasalamat dahil sa kaligtasang natanggap.

Ang Teksto

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"

14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."

Habang sila’y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y isang Samaritano.

17 "Hindi ba’t sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."

Daloy ng Parirala

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Nasaan si Jesus sa umpisa ng salaysay? Ano ang kanyang ginagawa?
  2. Sino ang sumalubong sa kanya? Ilan sila? Ilan ang mga hindi Israelita? Ilan ang Israelita?
  3. Ano ang nais ng mga ito kay Jesus?
  4. May naaalala ka bang iba pang salaysay kung saan nagpagaling si Jesus ng mga ketongin? Sa mga kwentong ito, ano ang ginagawa ni Jesus upang magpagaling?
  5. Dito sa kwentong ito, ano ang kanyang ginawa?
  6. Kailan nahalata ng mga ketongin na sila’y magaling na?
  7. Ilan sa mga ito ang bumalik kay Jesus at nagpasalamat?
  8. Anong uri ng tao ang nagpasalamat, siya ba’y Israelita?
  9. May naaalala ka bang mga talata sa ebanghelyo ni Lukas kung saan pinapaburan ni Jesus ay mga hindi Israelita? Anu-ano ang mga talatang ito?1
  10. Si Jesus ba ay natuwa sa isang bumalik? Ano ang hindi niya nagustuhan? Ano ang nais sabihin ni Jesus sa t. 18?
  11. Ano ang nagpagaling sa ketongin? Kanino pa sinabi ni Jesus ang mga katagang: "Humayo ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalata"?2

Para sa mas malalim na pag-uanawa

1. Ang salita para sa pagpapasalamat ay siya ring salita para sa "Eukaristiya", ang Banal na Misa.
2. Ang salaysay ay tungkol sa pagpapakita ng utang-loob at pasasalamat sa Diyos na ginawa ng isang estranghero.
3. Ang tanong ni Jesus sa t. 18 ay tanong para sa mambabasa ng salaysay. Kung nakatanggap ng kaligtasan mula sa Diyos, kailangan ding magpasalamat sa kanya. Ang "estranghero" na nagpasalamat kay Jesus ay tulad ng mga Hentil na tumanggap sa kaharian ng Diyos na itinatag ni Jesus.


  1. Ang sagot sa katanungang ito ay ang sinabi ni Jesus sa mga taga-Nazareth, Lukas 4, at ang Romano na kanyang kinilalang may malaking pananampalataya. Sa Mateo, maaari ring idagdag dito ang babaeng Syro-Fenicio na hindi tumigil sa kahihingi ng tulong kay Jesus.
  2. Ang isinalin ditong "pinagaling ka" ay maaari ring "iniligtas ka" ang ibig sabihin. Sa Griyego at Latin, pareho lang ang salita para sa "kagalingan" at "kaligtasan".

3 Comments on Ang Bumalik upang Magpasalamat (Lukas 17:11-19)

  1. Benjamin Tindoy says:

    Ang pagsasabing Thank You Lord ay isang paraan ng pagkilala natin sa ating Diyos na ating Manlilikha, ating Tapagtaguyod, our Great Heavenly
    Father, our great Provider, this lesson would only mean we really have to be thankful to God at all times, as St Paul urges every believer in Philippians.

  2. angfrayle says:

    Hindi lang yun. Kasi nga kung literal ang pagsasalin, ang sinabi ni Lord, dapat mag-eucharistia ang nakaranas ng kanyang kaligtasan.

  3. Lilah says:

    Ang bumalik upang magpasalamat lukas 1711 19.. Retweeted it :)

Leave a Reply

*

AWSOM Powered