Email This Page Email This Page
angfrayle on September 3rd, 2009

“Nais mo bang yumaman?” Tanong ng isang mamamahayag sa mga nakikinig sa kanya. “Kung nais mong yumaman ay kumapit ka sa Diyos!”

Maraming mga pahina sa Bibliya na nagsasabi ngang ang mga deboto ng Diyos ay kanyang kinakalinga at dinadala sa personal na pag-unlad. Nguni’t marami ring mga pahinang nagsasabi na ang mga mahal ng Diyos ay dumadaan sa paghihirap at pagdurusa. Hindi ba’t nandyan ang mga halimbawa ni Job at ni Tobias? “Kung nais mong magsilbi sa Diyos, anak, humanda ka sa mga pagtitiis”, wika ng paham (Ecclus 2:1). At kahit isang Kristiyanong paham na rin ang nagwika: “Dahil si Cristo’y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan.” (1 PedRomans 4:1)

Ang daan ni Kristo ay ang daan ng Krus na siyang patungo sa kaharian ng Diyos, sa kaligtasan at sa buhay na walang hanggan. Sa pagsunod sa kanya ang alagad ay kailangan ding itakwil ang sarili pati na ang mga bagay na maaaring maging sagabal sa kanyang pagpasok sa kaharian ng Diyos.

Ang Teksto

Pagkatapos gawan ng Daloy ng mga Parirala ang salaysay na ito, ay gawan din siya ng balangkas. Basahin ang lathalaing ito para malaman kung paano.

17 Nang siya’y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”

20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan.”

21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya’y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya’y lubhang napakayaman.

23 Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap b makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  1. Saan nanggaling si Hesus nang salubungin siya ng isang tao?
  2. May pitagan ba kay Hesus ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa upang ipakita ang kanyang pitagan sa kanya?
  3. Ano ang pakay ng tao kay Hesus?
  4. Tungkol saan ang kanyang tanong kay Hesus?
  5. Ano ang unang kasagutan ni Hesus sa kanyang tanong?
  6. Ang mga sinabi ba ni Hesus na utos ng Diyos ay nagawa na ng tao?
  7. Si Hesus ba ay nasiyahan sa tugon ng tao? Ano ang kanyang reaksyon sa sinabi ng tao?
  8. Sapat na ba ang ang pagtalima sa mga utos ng Diyos para mamana ang buhay na walang hanggan? Ano pa ang hinihingi ni Hesus?
  9. Ito ba ay nagustuhan ng tao?
  10. Siya ba ay sumunod kay Hesus?
  11. Anong dahilan at siya’y lumayo kay Hesus?
  12. Ano ang itinuro ni Hesus sa mga alagad pagkatapos niyang makipag-usap sa taong mayaman? Ang turo ba ay may kaugnayan sa mga pinag-usapan ni Hesus at ng tao?
  13. Natanggap ba agad ng mga alagad ang turo ni Hesus? Ilang beses inulit ni Hesus ang kanyang turo? Sa isang salita, ano ang sinabi ni Hesus?
  14. Ano ang reaksyon ng mga alagad sa mga sinabi ni Hesus?
  15. Ano ang kanilang naging katanungan sa mga sinabi ni Hesus? Meron bang kaugnayan ang kaligtasan sa kayamanan? Ano ang paniniwala ng mga Judio tungkol sa isang taong mayaman? Sa mga sinasabi ni Hesus, sigurado na bang maliligtas ang mga mayaman?
  16. Posible ba ang sinasabi ni Hesus? Bakit mabait ang Diyos?
  17. Sino si Pedro? Isa ba siya sa mga alagad ni Hesus? Kailan siya tinawag ni Hesus? Nang tawagin ba siya ni Hesus ay mayroon siyang iniwan?
  18. Kailan sinabi ni Hesus na ang sinumang susunod sa kanya ay kailangang iwanan kahit ang sariling pamilya? Anong talata? Sa anong pagkakataon?
  19. Ano ang sagot ni Hesus sa sinabi ni Pedro?
  20. Gaano kalaki ang kapalit ng iiwanan ng mga alagad? Lubos bang kaginhawaan ang kanilang matatanggap? Ang kapalit ba ay tatanggapin nila sa isang panahong hindi pa dumarating?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Pinaniniwalaan ng mga Hudyo nuong unang siglo na ang kayamanan ay isang tanda na ang isang tao’y kinakalinga ng Diyos. Makikita ang paniniwalang ito halimbawa sa Salmo 1. Kung kaya naman nang tanungin ng taong mayaman si Hesus tungkol sa buhay na walang hanggan ay umaasa na siyang makakasama siya sa magmamana nito. Mula pa sa pagkabata ay tumatalima na siya sa mga kautusan. Kaya nga’t madali ring maunawaan kung bakit umalis siyang malungkot. Hindi niya inaasahan ang hihingin ni Hesus.

2. Nuong unang siglo ay sinusubok ng mga paham ang mga mayayamang lumalapit sa kanila upang maging mga alagad. Isa sa mga pagsubok ay ang iwan ang kanilang mga kayamanan. Kung gayon ay hindi lamang si Hesus ang gumawa ng ganitong pagsubok. Ang kaibahan ni Hesus sa mga paham sa kanyang panahon ay ito: hindi niya tinatawag ang mga alagad na tumalima sa kanyang turo; tinatawag niya ang mga alagad na lumapit at kumapit sa Kanya lamang.

3. Sa Markos 8 pa lamang ay sinabi na ni Hesus:

34bAng sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?

Ito ay sinabi niya pagkatapos ihayag ni Pedro na siya ang Mesiyas. Siya nga ang Mesiyas nguni’t hindi yaong inaasahan ng mga Hudyo. Ang kanyang daan ay daan ng pagpapakasakit at pagtatakwil sa sarili. At ang pagtatakwil ng sarili ay pagtatakwil din ng mga bagay at tao na magiging sagabal sa pagsunod sa kanya.

Romans 4:1
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg Greek
1What shall we say then that Abraham hath found, who is our father according to the flesh.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.