Ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Cristo ay ang ikalawa sa tatlong Kapistahang ipinagdiriwang pagkatapos ng panahon ng Pasqua. Nuong Huwebes Santo ay ipinagdiwang natin ang institusyon ng sakramento ng Eukaristiya. Ngayon nama’y isinasaalaala natin ang bagong buhay ni Cristo na ibinibigay sa atin sa sakramento ng altar.
Ang Tektso ng 1 Kor. 11:23-26
Ang teksto ng 1 Kor. 11:23-26 ay tungkol sa tradisyong apostolika na napatutungkol sa Hapunan ng Panginoon. Ang mga talatang ito ay matatapuan sa isang konteksto na kung saan binabatikos ni Pablo ang maling gawi ng mga taga-Korinto sa tuwing sila’y nagkakatipon para sa Eukaristiya. Mas mainam na basahin din ang kabuuan ng 1 Kor. 11:17-33 upang maunawaang mas mabuti ang talatang pinili sa ikalawang pagbasa para sa Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo.
23Ito ang tinanggap ko sa Panginoon na ibibigay ko naman sa inyo:
Ang Panginoong Jesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, 24nagpasalamat, at pinagpira-piraso ito, at sinabi:
"Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin."
25Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang saro at sinabi:
"Ang sarong ito ang bagong tipan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin."
26Sapagka’t tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
Ang mga tanong na ito ay nakabatay sa 1 Kor. 11:27-33
- Sino ang mga unang nakatanggap ng mensaheng ito ni San Pablo na ating binasa? Sila ba’y mga binyagan?
- Ang mga sinulatan ni San Pablo ba ay nagtitipon-tipon upang isaala-ala ang Hapunan ng Panginoon? Ano ang iyong batayan ?1
- Maaari bang purihin ang mga taga-Korinto sa kanilang mga gawi tuwing sila’y nasa Hapunan ng Panginoon? Ano ang hindi magustuhan ni San Pablo sa kanilang ginagawa?
- Ano ba ayon kay San Pablo ang pinagmulan ng kinagawiang pagsasa-alaala ng Hapunan ng Panginoon?
- Anong hapunan ang isinasaalaala dito? Ano ang pinagsasaluhan sa Hapunang ito?
- Ano ang tinapay na kinakain?
- Ano ang alak na iniinum?
- Ang kaganapang binabanggit ni Pablo ba ay may kinalaman sa pagkamatay ni Cristo?
- Ano ang kaugnayan ng tinapay sa Krus?
- Ano ang kaugnayan ng alak sa Krus?
- Ayon kay Pablo iniatas ba ni Jesus na laging isaalaala ng Iglesya ang kanyang ginawa nuong gabi ng Huling Hapunan?
- Ang pagsasaalaala bang ito ay may kinalaman sa muling pagdating ni Cristo?
- Ayon kay Pablo, kailangan pa bang maging handa para sa pagtanggap ng katawan at dugo ng Panginoon?
- Anong uri ng paghahanda ang dapat gawin?2
- Ano ang dapat gawin ng mga kapatid habang kanilang isinasaalaala ang Hapunan ng Panginoon?3
- Nasabi na ba lahat ni Pablo ang tungkol sa Hapunan ng Panginoon sa kanyang liham?4
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Ang binabanggit na Hapunan ng Panginoon ay ang "pagpipiraso ng tinapay" na ayon sa Gawa ng mga Apostol ay ginagawa ng mga alagad. (Gawa 2:42)
2. Ang "bagong tipan" na naisakatuparan sa dugo ni Cristo ay yaong "tipan" na ipinapalit sa "luma". Ayon sa Sulat sa mga Hebreo:
Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan (cf. Jeremiah 31:31-34), pinawalang bisa niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa ay malapit nang mawala (Hebrews 8:13). Ang lumang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop (Exodus 24:8). Ang bagong tipan ay pinagtibay sa dugo ni Cristo.
3. Ang "katawan na inihahandog para sa inyo" ay ang katawan ni Cristo na nabayubay sa Krus; ang katawan na ayon sa Sulat sa Hebreo ay ang hain na inihanda ng Diyos para kay Cristo (tingnan Hebreo 10:5-10)




[...] Ang Hapunan ng Panginoon (1 Kor. 11:23-26) [...]