Sa ika-27 Linggo ng Panahong May-Bilang (Taon B) ang pagbasa ng ebanghelyo ay may dalawang alternatibo: ang mahaba (Mark 10:1-16) at ang maiksi (Mark 10:1-12). Kung ang mahabang pagbasa ang titingnan, mapapansing ang tema ay tungkol sa pamilya: tungkol sa mga mag-asawa (tt. 1-12) at tungkol sa mga anak na musmos (tt. 13-16). Ang mga talata tungkol sa mga bata ay nabigyan na natin ng pansin sa lathalaing ito. Ang bibigyan natin ng pansin ngayon ay ang bahagi tungkol sa diborsyo at pag-aasawang muli, isang bagay na madaling gawin nuong panahon ni Hesus. Ito’y sa kadahilanang ayon sa Deuteronomy 24:1-4 ay maaring idiborsyo ng isang lalaki ang kanyang asawa. Ayon kay Hesus, hindi ito ang orihinal na kagustuhan ng Diyos.
Ang Teksto
Gawan ng Daloy ng mga Parirala ang mga talatang ito at pagkatapos ay gawan ng balangkas. Ipakita kung saan naguumpisa at natatapos ang mga bahagi ng salaysay. Gamitin ang mga tulong ng inyong bibliyang hawak upang malaman ang mga sitas ng mga Kasulatan na tinutukoy sa pag-uusap ni Hesus at mga Pariseo.
1 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila’y kanyang tinuruan. 2 May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya’t lumapit sila at nagtanong, "Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?"
3 Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”
4 Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.”
5 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. 6 Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. 7 ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa a 8 at ang dalawa’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. 9 Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.”
10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Mga Tanong Tungkol Sa Teksto
1. Nasaan si Hesus nang siya’y lapitan ng mga Pariseo? Ang lugar bang yaon ay malapit sa kanyang pinagmulan? (tingnan ang naunang salaysay) Saan ba siya nagmula?
2. Ano ang ginagawa ni Hesus nang lumapit ang mga Pariseo?
3. Tungkol sa ano ang itinanong ng mga Pariseo?
4. Ang diborsyo ba ay tulad ng legal separation Sa legal separation ba ay pwedeng mag-asawang muli ang mga napaghiwalay?
5. Sa batas ba ni Moyses ay maaaring makipag-diborsyo? Saan makikita ang batas na iyon?
6. Madali bang makipag-diborsyo nuong panahon ni Hesus? Sino ang maaaring makipag-diborsyo? Ano ang mga maaaring dahilan upang ang isang lalaki’y maaaring makipag-diborsyo?
7. Ayon ba sa batas ni Moyses ay maaaring makipag-diborsyo ang babae?
8. Ang diborsyo ba ay kagustuhan ng Diyos? Anong mga sitas ang ginamit ni Hesus upang ipaliwanag ang kagustuhan ng Diyos?
9. Paano nga bang nagkaroon ng batas tungkol sa diborsyo. Ito ba’y dahil sa kagustuhan ni Moyses? Gusto ba ni Moyses na magkaroon ng diborsyo?
10. May kasalanan ba ang taong makikipag-diborsyo at mag-aasawang muli? Anong kasalanan ito?
Para Sa Mas Malalim Na Pag-Unawa
Basahin ang mga lathalaing tinutukoy sa pahinang ito.




Leave a Reply