Sa pagtatapos ng National Bible Week, na sa taong ito ay pumapatak sa ikatlong Linggo ng Panahong May-Bilang. Ang National Bible Week ay taunang pagdiriwang ng mga Banal na Kasulatan sa buhay ng Iglesya sa Pilipinas at nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng mga Banal na Kasulatan sa buhay ng Kristiyano. Tamang-tama naman at ang ebanghelyong ipinapabasa sa Linggong ito ay isang talatang kombinasyon ng Lukas 1:1-4 (Ang simula ng ebanghelyo ni Lukas) at ang Lukas 4:14-21 (Ang unang bahagi ng salaysay tungkol sa ministeryo ni Jesus sa Nazareth). Sa pagbabasa ng mga talatang ito, pansinin ang mga sumusunod:
- Sinulat ni Lukas ang ebanghelyo para kay Teofilo upang mas lumalim pa ang pananampalataya nito
- Inumpisahan ni Jesus ang kanyang ministeryo sa pagpapahayag ng Panahon ng Pagliligtas ng Panginoon (Isaiah 61:1-2)
Ang Teksto
Para sa ikatlong linggo ng Panahong May-Bilang, ipinababasa ang pinag-kombinang mga talata mula sa Lukas 1:1-4 at Lukas 4:14-21. Ang Lukas 1:1-4 ay isang liham para kay Teofilo, isang Kristiyano na nais mapalalim ang kanyang pananampalataya. Ang liham ay “cover letter” para sa ebanghelyo na sinulat ni Lukas. Ang Lukas 4:14-21 naman ay ang unang bahagi ng salaysay tungkol sa simula ng ministeryo ni Jesus sa Galilea. Para kay Lukas, ang ministeryo ay nagsimula sa Nazareth, ang lugar na kinalakihan ni Jesus. Sa kabuuan ng salaysay na ito ay nagsisilbi ring panimula para sa mga mga salaysay ng mga salita at gawain ni Jesus hanggang 9:51.
Ang Sulat kay Teofilo
1 Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. 2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita. 3 Kaya’t matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo 4 upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.
Si Jesus sa Nazareth
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, 17 at doo’y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:
18 “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,19 at upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon.”20 Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Para kanino sinulat ni Lukas ang kanyang ebanghelyo?
- Ano ang pakay ni Lukas sa pagsulat ng ebanghelyo? Ang ebanghelyo ba ni Lukas ay ibang-iba sa mga nalalaman na ni Teofilo?
- Kanino nalaman ni Teofilo ang mga bagay tungkol sa pananampalataya bago sinulat ni Lukas ang kanyang ebanghelyo?
- Saan nanggaling si Jesus? Ano ang ginawa niya bago pumunta sa Nazareth?
- Si Jesus ba ay madalas pumunta sa sinagoga? Sa mga narinig na ninyo sa pagbasa ng ebanghelyo ni Lukas, si Jesus ba ay masasabing debotong Judio?
- Sa sinagoga ano ang ipinabasa kay Jesus? Anong talata ito? Tungkol saan ang talata?
- Ano ang paliwanag ni Jesus tungkol sa mga talatang nabanggit?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
Para sa mas malalim na pag-unawa sa teksto basahin ang mga sumusunod:




Leave a Reply