Nang tayo’y binyagan minarkahan ng pari ang ating mga nuo ng tanda ng krus. Sa pamamagitan ng tandang iyon, tayo ay ay inako ng Iglesya Katolika para kay Kristo. Tuwing tayo’y nag-aantanda, ipinapakita nating tayo’y naangkin na ni Kristo at sa gayo’y hindi maaaring angkinin pa muli ng kahit sino at ano, lalong-lalo na ng diyablo, siya na ayon sa aklat ng Kaalaman ang nagdulot ng kamatayan sa tao
Ang tao ay hindi nilikha ng Diyos para mamatay
kundi upang maging larawan niyang buhay.
Ngunit dahil sa pakana ng diyablo
nakapasok ang kamatayan
at ito ang kinahihinatnan ng mga
napapailalim sa kanya (Kar. ni Sol. 2:23-24, TPV)
Si Adan at Eba ay natukso sa buhay na ipinangako ng ahas, nguni’t ang pangako’y kasinungalingan pala. Nauunawaan natin na mga tumanggap ng liwanag kay Kristo na ang daan tungo sa tunay na buhay ay sa pamamagitan ng kamatayan sa pita ng laman upang tayo’y muling mabuhay sa kapangyarihan ng Espiritu.
Ang Teksto
Pag-aralang mabuti ang tekstong ito ng Mateo 16:21-27 na hinango mula sa Ang Bibliya. Ihambing ito sa bersyon ng TPV na ginagamit sa misa. Gumawa base sa teksto ng TPV ng Matteo 16:21-27 ng "sentence flow" (daloy ng mga parirala). Pagkatapos ay basahin din at ihambing sa Mateo 16:21-27 ang mga talata sa Markos 8:31-37
21 Mula ng panahong yao’y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya’y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.
22 At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya’y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.
23 Datapuwa’t lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka’t hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.
24 Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.
26 Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? 27 Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa.
Pansinin ang mga sumusunod
- Ang talata ay nahahati sa dalawang bahagi, tt. 21-23 at tt. 24-27.
- Si Pedro na nagsabing si Hesus ay "Anak ng Diyos na Buhay" ay tinatawag sa t. 23 na Satanas at "batong katitisuran" (Griyego: skandalon; English: "hindrance" NRSV)
- Ang programa ng isang alagad sa t. 24: tanggihan ang sarili, buhatin ang krus, sumunod kay Hesus
- Ang t. 25 kung saan makikita ang paggamit ng "contrasting parallels"
ang nais mailigtas ang sariling buhay
ay mawawalan nito
ang mawawalan ng buhay dahil sa akinay makakasumpong niyon (ng buhay)
- Ang tanong na retoriko ni Hesus sa t. 26
- Ang gamit ng titulong "Anak ng Tao" sa t. 27.
Malapitang Pag-aaral ng Teksto
Sa base ng "sentence flow" na iyong ginawa, markahan ang sumusunod:
- mga salitang nakikita rin sa mga talatang matatagpuan sa Mateo 16:13-20
- mga salita na may kaugnayan sa kamatayan, pagdurusa at buhay
Hanapin sa isang konkordansya kung kailan at paano ginagamit ni Mateo ang mga sumusunod na salita:
- Satanas
- krus
- Anak ng Diyos
- Anak ng Tao
Basahin ang mga parirala ng Catechism of the Catholic Church na may kaugnayan sa Mt. 16:21-27 at alamin ang mga sinasabi dito tungkol sa paghihirap ng isang Kristiyano, ang kanyang pakikisama sa sakripisyo ni Kristo, ang kaugnayan ng krus sa buhay ng mga binyagan


One Response to “Ang Krus at ang Alagad”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply