
Nuong ika-22 Linggo ay nabasa natin ang turo tungkol sa Krus at ang Alagad. Ngayong ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon ay muli tinatawag ang ating pansin sa Krus ni Kristo. Kung paanong sa pamamagitan ng punongkahoy ay nakapasok ang kamatayan sa Eden dahil sa kasalanan ng mga unang Magulang, gayun din sa pamamagitan ng kahoy ng Krus ay iniligtas tayo ng Bagong Adan mula sa kamatayang nakaumang sa bawa’t taong naipanganak sa pagkakasala ni Eba’t Adan.
Tayo’y inaanyayahang magnilay sa kahalagahan ng Krus ni Kristo sa ating buhay. Alam na nating ito’y hindi mawawala sa buhay ng alagad ni Kristo pagka’t kung paanong binuhat ni Hesus ang kanyang Krus patungong Kalbaryo, gayun di’y kailangang buhatin ng alagad ang kanyang Krus sa araw araw upang sa gayun ay makasama siya sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.
Ang Teksto
Pansinin ang Daloy ng mga Parirala sa saling ito ng Juan 3:13-17 at pansinin ang mga pandiwang nagpapakita ng direksyon (paibaba man o pataas). Ang talata 13 ay may kaugnayan sa naunang mga talata tungkol sa kaalaman mula sa itaas. Gayunpaman, ang paitaas na direksyon sa talata 14 ay may kaugnayan din sa paibabang direkstong ng mga pandiwang: inibig, ibinigay at isinugo.
13Walang naka-akyat sa langit
kundi yaong nanaog na galing sa langit
ang Anak ng Tao.
14At kung paano itinaas
ni Moises sa ilang ang ahas
gayundin kinakailangang itaas
ang Anak ng Tao
15upang ang sinumang sumampalataya sa kanya
ay magkamit ng buhay ng walang hanggan.
16Oo gayun na lamang
ang pagmamahal ng Diyos sa daigdig1
kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak
upang ang lahat ng sumampalataya sa kanya
ay hindi mapapahamak
kundi bagkus
ay magkamit ng buhay na walang hanggan.
17Sapagkat
hindi sinugo ng Diyos sa daigdig ang kanyang Anak
upang hatulan ang daigdig
kundi upang sa pamamagitan niya’y
maligtas ang daigdig.
Pansinin ang mga sumusunod
- Ang salaysay tungkol sa pagtataas ng ahas sa disyerto ay matatagpuan sa Bilang 21:4-9. Basahin ang salaysay upang makita kung bakit kailangang itaas din ang Anak ng Tao.
- Pag-aralan ang mga talatang 14-16 at alamin kung bakit hindi maaaring ihiwalay ang t. 14 sa 15 at 16.
- Sa talata 17 ay naguumpisa ang isang bagong tema, ang paghahatol. Upang maunawaan ito, basahin din ang mga talata sa 18-21.
Para sa malalimang pag-aaral ng teksto
1. Basahin ang mga sumusunod na artikulo tungkol sa malapitang konteksto ng Juan 3:13-17:
Ang Light and darkness, Life and Death ay tungkol sa kabuuan ng Juan 3:1-21 kung saan ipinapakita ang mga bahagi ng teksto. Sa "The Father, Son and the Spirit of Life" ay ipinapaliwanag ko ang mga talata sa Juan 3:16-18 lalung lalo na ang kaugnayan ng pananampalataya sa buhay na walang hanggan. At sa "Whoever Walks By Light" naman ay ipinapakita ko ang kaugnayan ng liwanag sa paghatol sa Juan 3:18-21.
2. Basahin din ang mga paliwanag sa Catechism of the Catholic Church tungkol sa mga talatang nabanggit.
- Sa literal na pagsasalin mula sa Griyego, Inibig nga ng Diyos ang daigdig kung kaya naman ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak ↩




Leave a Reply