"Ang lahat ay buhay sa Diyos", wika ni Jesus sa mga Saduseo na hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay. Sa kanyang paliwanag, hindi lamang sinabi ni Jesus na mali ang paniniwala ng mga Saduseo, kungdi ipinakita rin niya na dahil ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, hindi Niya hahayaang mamatay ang kanyang mga kaibigan: "Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak, sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas." (Awit 16:10)
Ang Teksto ng Lukas 20:27-38
27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito’y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito’y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila’y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po’y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"
34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila’y mga anak ng Diyos dahil sila’y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ 38 Kaya’t ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya’y buhay ang lahat."
Mga Tanong tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus sa umpisa ng salaysay?
- Sino ang mga Saduceo? Ano ang kaibahan nila sa mga Pariseo? Naniniwala ba sila sa muling pagkabuhay?
- Nais ba nilang kumbinsihin si Jesus o siya’y kanilang sinulit?
- Ano ang tawag sa batas na kung saan ang isang babaeng namatayan ng asawa nang hindi nagkakaanak ay kailangang pakasalan ng kapatid ng pumanaw?
- Ang tanong ba ng mga Saduceo ay pabor sa muling pagkabuhay?
- Sa kanyang sagot, umayon ba si Jesus na may pag-aasawahan pa pagkatapos ng buhay na ito?
- Ano ang tawag ni Jesus sa mga matuwid na naghihintay na lamang ng muling pagkabuhay? Sino ang mga katulad nito?
- Ano ang talata ng Lumang Tipan na tinutukoy ni Jesus sa t. 37?
- Ang Diyos ay "Diyos ng mga buhay". Kung ang Diyos na ito ay "Diyos ni Abraham,Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob", si Abraham, Isaac at Jacob ba ay patay?
- Sabi ni Jesus "Sa Diyos ay buhay ang lahat". Ang iyong mga kamag-anak na namatay at nasa libingan ba ay buhay rin? Ayon sa talatang ito, may katuturan ba ang mga pagdiriwang natin nuong Nobyembre 1 and 2?
Para sa mas malalim na Pag-unawa
1. Ang mga Saduceo ay mga pari na may malapit na kaugnayan sa hari. Hindi maganda ang tingin sa kanila ng mga Pariseo at mga Essene ng Qumran. Literal ang pagkakaunawa nila sa mga Kasulatan at hindi sila naniniwala sa Muling Pagkabuhay.
2. Ang pangangatuwiran ng mga Saduseo sa tt. 28-33 ay tinatawag na "reductio ad absurdum". Ang layon ng argumento ay ipakitang ang Muling Pagkabuhay ay hindi makatuwiran.
3. Ang tinutukoy ni Jesus sa tt. 36-38 ay ang mga matuwid na namatay na. Hindi na sila muli makakaranas ng kamatayan — ang "ikalawang kamatayan" ng Apokalipsis; sila’y nakalaang mabuhay na maguli.



