Email This Page Email This Page
angfrayle on April 7th, 2009


Empty Tomb

Ang ika-20 at 21 kabanata ng ebanghelyo ni Juan ay tungkol sa mga pagpapakita ng Kristong Muling Nabuhay sa kanyang mga alagad. Ang tt. 1-10 ay tungkol sa pagkakasumpong sa libingang walang laman. Dito, ang Magdalena ang masasabing “bida” sa kadahilanang siya lamang ang may “speaking lines”. Ang pagiging “bida” ni Maria ay magpapatuloy sa susunod na mga talata (11-18). Mahalaga rin ang mga papel na gagampanan ni Pedro at nang “isa pang alagad.” Sila ang ang koneksyon ng tt. 3-10 sa kwento tungkol sa unang pagpapakita ni Hesus sa mga alagad (19-23). Sila rin ang magiging bida sa ika-21 kabanata.

Ang Teksto ng Juan 20:1-10

Ihambing ang saling sumusunod sa gamit ninyong salin at pansinin ang mga kaibahan.

1Sa unang araw ng linggo, si Maria Magdalena ay maagang pumunta sa libingan — madilim pa noon — at napansin niya ang batong naalis na sa libingan. 2(a) Kaya’t tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad — iyong mahal ni Hesus — at sinabi sa kanila:

(b) Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan
(c) at hindi namin alam kung saan siya inilagay.

3Lumabas si Pedro at yung isa pang alagad at pumunta sa libingan. 4Tumakbong magkasama ang dalawa nguni’t mas matulin kesa kay Pedro yung isang alagad at ito’y naunang dumating sa libingan. 5Nang siya’y yumuko, napansin niya ang mga pansaping nakalatag duon, nguni’t hindi siya pumasok.

6Dumating din si Pedro na kasunod niya at pumasok sa libingan. Namasdan niya ang pansaping nakalatag duon 7ngunit ang sudaryo na ibinalot sa kanyang ulo (= ni Hesus) ay hindi kasama sa mga pansaping nakalatag kundi ito’y hiwalay na nakatiklop sa isang lugar.

8Nuo’y pumasok din yung isa pang alagad — yung naunang dumating sa libingan; nakita niya at siya’y nanalig. 9Hindi pa nila nalalaman ang kasulatang nagsasabi na kailangan siyang mabuhay mula sa patay.

10Ang mga alagad ay umalis muli tungo sa kanila.

Pansinin Ang mga Sumusunod

1. Ang kwento ay naganap sa araw na tinatawag nating “Linggo” o “Domingo”. Ang salitang “linggo” na ginamit ng tagasalin sa ating mga bibliyang Tagalog ay katumbas ng “semana” (mula sa wikang Espanyol), ang kabuuan ng pitong araw.

2. Sa t. 2c ay ay “kami” ang ginamit ni Maria samantalang ayon sa kwento ay nag-iisa lang siya. Ito’y dahil sa likod ng mga pangungusap na ito ay may alaalang may mga kasamang iba pang babae nuon ang Magdalena (tingnan ang mga bersyon ni Markos, Lukas at Mateo).
3. Bagaman nauna “yung isa pang alagad”, hinayaan niyang makapasok si Pedro nang una. Si Pedro kasi ang lider ng mga alagad kung kaya dahil sa paggalang ay pinauna ng mas matuling alagad ang kanyang mabagal na kasama.
4. Ang iba’t-ibang mga pandiwa ng pagkakakita: napansin, 1.5; namasdan, 6; nakita, 8. Ito’y dahil sa ebanghelyo ni Juan, mayroong iba’t-ibang pagtingin. May pagtinging nagdadala sa pananampalataya, mayroon ding hindi.
5. Sa t. 10, sinabing umuwi “sa kanila” ang mga alagad. Sa mga salin natin, sinasabing sila’y “umuwi”. Nguni’t “ang kanya” o “ang kanila” ay tumutukoy sa mga mahalaga para sa isa.

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  1. Kailan nangyari ang mga kaganapang ikinukwento?
  2. Anong oras dumating si Maria Magdalena sa libingan?
  3. Nasaan ang libingan? Paano isinasara ito?
  4. Ano ang napansin ni Maria Magdalena pagdating niya?
  5. Nakapasok ba ang Magdalena sa libingan?
  6. Saan siya pumunta? Sino ang kanyang kinausap?
  7. Sino si Simon Pedro? Sino yung isa pang alagad?
  8. Ano ang ginawa ni Pedro at ang kanyang kasama?
  9. Sino ang nauna sa libingan? Paano siya nauna roon? Pumasok ba siya sa libingan? May napansin ba siya?
  10. Ano ang nakita ni Pedro?
  11. Ano ang nakita nuong isa pang alagad? Ano ang kanyang reaksyon? Alam na ba niya bago siya pumasok sa libingan na dapat mabuhay na mag-uli si Hesus? Bagaman ang nakita niya at ang nakita ni Pedro ay pareho, paanong siya’y “naniwala”?
  12. Kanino umuwi yung isa pang alagad?

Para sa mas malalim na pagunawa

1. Basahin ang kabuuan ng Juan 20 at tingnan kung ano ang “papel” ng bahaging ito ng kwento para sa kabuuan ng ika-20 kabanata.
2. Alamin kung paanong naglilibing nuong panahon ni Hesus mula sa lathalaing ito.

2 Responses to “Ang Libingang Walang Laman (Juan 20:1-10)”

Trackbacks/Pingbacks

  1. Daily Inspirations » Our New Life in Christ
  2. The Excitement of that First Sunday

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.