Email This Page Email This Page
angfrayle on April 22nd, 2009

Ang Mabuting Pastol

Ang Juan 10 ang kabanata tungkol sa Mabuting Pastol. Ang mga bahagi nito’y pinipili upang maipabasa sa ika-apat ng Linggo ng panahon ng Paskuwa. Ang Linggong ito ay tinatawag na “Linggo ng Mabuting Pastol”. Kung kaya naman sa Linggo ding ito’y inaalala ang Araw na Pandaigdig na inilaan sa Pananalangin para sa mga Bokasyon. Sa taong ito, ipinababasa sa atin ang mga tt. 11-18 ng Juan 10. Isinasalarawan sa mga talatang ito ang pagmamalasakit ng Mabuting Pastol para dun sa mga tinatawag niyang “kanya”. Ang pagmamalasakit na ito rin ang binabanggit sa 1 Juan 3:1-2 (ikalawang pagbasa) kung saan inaanyayahan ng may-akda ang kanyang sambayanan na pansinin ang pag-ibig na naging dahilan ng kanilang pagiging mga anak ng Diyos.

Ang Teksto

1. Basahin ang kabuuan ng Juan 10 upang maunawaan ang konteksto ng mga tt. 11-18 na ipinababasa sa Linggo ng Mabuting Pastol.

2. Sa kabuuan ng Juan 10 pansinin ang mga sumusunod

(a) Inihahambing ni Hesus ang sarili sa pintuan ng kulungan ng mga tupa at sa pastol.Sa paghahambing ni Hesus ng sarili sa pintuan, binibigyang diin ang isang katangian ng mga pastol — sila’y kailangang dumaan sa pamamagitan Niya, at hindi sa pamamagitan ng ibang paraan. Binibigyang diin din dito na ang tunay na Pastol ng mga Tupa, na ang Iglesya, ay si Hesukristo (cf. 1 Pedro 5:4).

(b) Mas maraming sinasabi si Hesus tungkol sa Mabuting Pastol. Pansinin ang mga talatang ito at tingnan kung aling mga ideya ang binibigyang-diin ng may-akda (e.g. ano ang mga salitang inuulit-ulit?)

(c) Pansinin din na sinabi ni Hesus na siya at ang Ama ay iisa, pagkatapos niyang sabihing siya ang Mabuting Pastol. Ito’y dahil sa Ang Mabuting Pastol ng Israel ay ang Diyos (cf. Salmo 23).

Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto

  1. Sino ang Mabuting Pastol?
  2. Ang upahan ba ay katulad ng mabuting pastol?
  3. Ano ang meron sa Mabuting Pastol na wala sa upahan?
  4. Paano ipinapaliwanag sa tt. 11-18 na walang malasakit ang upahan?
  5. Paano ipinapakita ng Mabuting Pastol ang kanyang malasakit para sa mga tupa?
  6. Ano ang tawag niya sa kanyang mga tupa?
  7. Paano siya nakikilala ng kanyang mga tupa?
  8. Paano ang kanyang pagkilala sa kanyang mga tupa?
  9. Bukod sa mga taga-Palestina, meron pa bang tupa si Hesus?
  10. Ano ang nais niya para sa mga tupang nasa labas ng Palestina?
  11. Kung ang mga tupang binabanggit ay mga Judio, sino naman yung “iba pang tupa”?
  12. Ano ang ibibigay ni Hesus para sa kanyang mga tupa?
  13. Siya ba’y may kapangyarihang gawin ito?
  14. Kailan nangyari ang pagbibigay ng buhay ng Mabuting Pastol? Kailan niyang tinanggap muli ang kanyang buhay?
  15. May kapangyarihan ba siyang tanggapin muli ang buhay?
  16. Ano ang nais ng Mabuting Pastol para sa kanyang mga tupa?
  17. Bakit ang Mabuting Pastol ay mahal ng Ama?
  18. Dapat din ba siyang mahalin ng kanyang mga tupa?

Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto

1. Salungguhitan sa inyong mga bibliya ang mga sinasabi ni Hesus tungkol sa pastol, mabuting pastol at mga tupa sa Juan 10.

2. Basahin din ang mga sumusunod ng mga talata mula sa Lumang Tipan

  • Salmo 23
  • Salmo 80
  • Ezekiel 34
  • Jeremias 23 at 50

Sa mga talatang ito, sino ang Pastol ng Israel?

3 Responses to “Ang Mabuting Pastol (Juan 10:11-18)”

  1. kung ang mabuting pastol ay ang diyos?sino naman po ang tinatawag na mga tupa?

  2. Kung babasahin mo ang mga Kasulatan makikita mo na sa Lumang Tipan ang mga tupa ay ang Israel. Sa Bagong Tipan, at lalo na sa ebangleyo ni Juan ang mga tupa ay ang mga alagad ni Jesus; yung mga tinatawag niyang “Kanya.” Basahin mo ang buong Juan 10 at makikita mo na ang mga tupa ay ang mga Hudyo na naging alagad ni Jesus at pati na rin yung mga pagano na sumanib sa Kanyang kapatiran.

Trackbacks/Pingbacks

  1. Daily Inspirations » Good Shepherd Sunday

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.