Ang ebanghelyo para sa ika-11 Linggo ng Panahong May-Bilang (C) ay tungkol sa pag-ibig, pag-ibig na ekspresyon ng malaking utang na loob. Ang babaeng makasalana na pumasok sa bahay ni Simong Phariseo ay isa sa mga maraming nakarinig ng mga turo ni Jesus marahil tungkol sa mapagpatawad na Ama sa langit. At marahil ay naramdaman niyang ang mga turong iyon ay totoo para sa kanya: na pinatatawad siya ng Ama at lahat ng kanyang mga kasalanan ay buburahin kung manunumbalik lamang siya. Dahil sa karanasang ito, at bilang pasasalamat sa guro na nagbigay liwanag sa kanya, siya ay pumunta noon sa bahay ni Simon nang malaman niyang nandoon si Jesus. Tunay nga na dahil sa kanyang pananampalataya sa mga salita ni Jesus ay naligtas siya. Kulang na lamang ay marinig niya ang mga salitang nagsasabing: "Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan."
Ang Teksto ng Lukas 7:36-50
36 Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. 37 Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango. 39 Nang ito’y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, "Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan."
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, "Simon, may sasabihin ako sa iyo."
"Ano po iyon, Guro?" sagot niya.
41 Kaya’t nagpatuloy si Jesus, "May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?"
43 Sumagot si Simon, "Sa palagay ko po’y ang pinatawad sa mas malaking utang."
"Tama ang sagot mo," tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, "Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya’t sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal."
48 At sinabi niya sa babae, "Pinatawad na ang iyong mga kasalanan."
49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, "Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?"
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, "Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na."
Mga Tanong Tungkol Sa Teksto
- Saan naganap ang kwentong ating nabasa? Ano ang okasyon? Sino ang nag-imbita kay Jesus?
- Habang si Jesus ay nasa bahay ano ang nangyari? Kilala ba ng mga taong nasa bahay ang babaeng ito? Imbitado rin ba siya sa bahay? Sa paningin ng mga taong nanduon, tama ba ang ginawa ng babae?
- Ano ang ginawa ng babae? Nagustuhan ba ito ni Jesus?
- Ano ang turo na hinango ni Jesus mula sa pangyayaring ito? Paano niya ipinaliwanag ang kanyang turo?
- Tungkol sa ano ang talinghaga ni Jesus? Sino-sino ang mga ipinahihiwatig ng mga tauhan ng talinghaga?
- Kailan napatawad ang babae? Napatawad ba siya nuong sabihin ni Jesus na siya’y pinatatawad na sa mga kasalanan?
- Nagustuhan ba ng mga nasa bahay ang ginawa ni Jesus?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ang kwento sa Lukas 7:36-50 ay sinulat na isang "symposium". Dito ang binibigyan ng halaga ay ang turo ng isang pilosopo. Sa kaso ng kwento ni Lukas, ang mahalaga ay ang turo ni Jesus.
2. Dalawa ang maaaring interpretasyon sa t. 47. Maaaring sinasabi ni Jesus na ganuon na lamang ang pagpapakita ng pagmamahal ng babae dahil ang madami niyang kasalanan ay napatawad, tulad ng kaso nuong tao sa talinghaga na napatawad sa malaki niyang pagkakautang. Maaari ring ang ibig sabihin ay ito: Dahil sa ipinakita ng babae na malaking pagmamahal, siya’y pinatatawad sa kanyang maraming kasalanan.
3. Si Simeon ang Phariseo ay katulad nuong tao sa talinghaga na may maliit na pagkakautang. Si Simeon ay Phariseo at naniniwala siyang dahil sa kanyang pagsunod sa Kautusan ay wala siyang sala. Ihambing ito sa sinabi ni San Pablo tungkol sa kanyang buhay bilang Phariseo: "Kung pag-uusapan ang aking pagtalima sa Kautusan, ako ay ganap" (Fil. 3:6b).




ano ang aral na nakuha sa lucas 7:36-50
Ikaw ang sumagot. Ano ang natutunan mo pagkatapos basahin ang salaysay?