Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, nag-iwan ang Panginoon ng mga babala sa madlang nakikinig sa kanya. Hindi lahat ng mga tatawag sa kanya ay makakapasok sa kaharian ng langit. Hindi lahat ng mga nanilbihan para sa pagpapalawak ng kaharian ng Diyos ay kikilalanin niya. Ang mga taong nakikinig at gumagawa sa kanyang mga salita ang mga kilalanin niya at papasukin sa kaharian ng langit. Sa mga babalang ito ay mapapansin agad na ang mga nagsasabing madali ang maligtas ay nagkakamali. Nawa’y hindi tayo mailigaw ng mga nagpapakilalang mga sugo ng Diyos na nagsasabing ang mga nagpapahayag ng ngalan ni Cristo sa labi ay silang maliligtas.
Ang Teksto
24 "Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak."
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Lahat ba ay makapapasok sa kaharian ng langit?
- Sino ang makakapasok sa kaharian ng langit?
- Ano ang Araw ng Paghuhukom? Kailan ito mangyayari?
- Agad-agad bang tatanggapin ba ng Panginoon ang mga nanilbihan para sa kaharian ng langit?
- Kung nagpahayag man ang isang tao ng mensahe ng Panginoon at nagpalayas ng demonyo sa Kanyang ngalan, at hindi naman ginawa ang kalooban ng Diyos, kikilalanin ba siya ng Panginoon? Ano ang itatawag sa kanya?
- Tama ba ang magtayo ng bahay sa buhanginan?
- Tatagal ba ang bahay na nakatayo sa buhanginan?
- Tama ba ang magtayo ng bahay sa bato?
- Ayon sa Panginoon, sino ang katulad ng taong nakikinig at gumagawa ng kanyang mga turo?
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Pansinin na ang talata 22 ay tumutukoy sa mga "propeta" na isang institusyon noong bata pa ang Iglesya. Sa tt. 15-20 ay may sinasabi ang Panginoon tungkol sa mga propetang palso.
2. Ang "mga salita" (24.26) na tinutukoy ni Jesus ay ang kabuuan ng Sermon sa Bundok, lalung lalo na ang mga turo sa 5:17-7:27. Repasuhin mo ang mga nilalaman ng Sermon sa Bundok: alin sa mga ito ang nagawa mo na?
3. Basahing muli ang mga turo ni Jesus mula sa 5:17. Ngayon ba’y nauunawaan mo na kung bakit ang mga alagad ay silang
- hikahos?
- nagdadalamhati?
- gutom at uhaw sa tama?
- nagpapakita ng habag?
- maamo?
- kaloobang malinis (dalisay na puso)?
- gumagawa ng paraan para sa kapayapaan?
- nakukutya at inaapi dahil sa Panginoon?



