Email This Page Email This Page
angfrayle on January 7th, 2010

Sa pag-uumpisa ng Panahong May-Bilang (Taon C), ipinagdiriwang ng Iglesyang laganap ang Bautismo ng Panginoon. Sa salaysay ni Lukas, maliwanag na mas pinahalagahan ng ebanghelista ang nangyari pagkatapos na si Jesus ay mabautismuhan na. Habang si Jesus ay nananalangin ang kalangitan ay bumukas, dumapo sa kanya ang Banal na Espiritu at isang tinig ang nagsabing “Ikaw ang aking Anak, ang Pinakamamahal. Lubos akong nalulugod sa Iyo.” Sa mga salitang ito’y ipinakilala ng Ama ang kalulusong pa lamang na si Jesus ng Nazaret bilang Mesiyas at Aliping Nagpapakasakit. Siya na kinikilala ni Juan Bautista na “Ang Mas Malakas kaysa sa Akin” ay magpapakilala sa kahinaan at kababaan ng loob. Sabi nga ni Isaias: “Mahinahon at banayad kung siya’y magsasalita … ang marupok na tambo’y hindi babaliin at ang ilaw na aandap-andap ay hindi niya papatayin” (Isaiah 42:3-4). Nguni’t sa kahinaan niya’t kababaan ng loob ay tatanggap ng kaluwalhatian ang Diyos sa kanya.

Ang Teksto

Basahin ang kabuuan ng Lukas 3:15-22. Ihambing ang sumusunod na pagkakaliwat sa saling iyong ginagamit

15Nanabik ang lahat sa pagdating ng Cristo. At dahil inaakala ng mga tao at pinag-iisipan na baka si Juan ang Cristo, 16sinabi ni Juan sa lahat: Binautismuhan ko kayo sa tubig. Darating ang mas malakas sa akin at ako’y hindi karapat-dapat na kalagin ang mga tali ng kanyang sandalyas. Siya ang magbabautismo sa Banal na Espiritu at apoy. 17Hawak niya ang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig nguni’t ang ipa ay susunugin sa apoy na hindi mamamatay kailanman.

18Marami pang itinuro si Juan sa mga tao sa pagpapahayag niya ng mabuting balita. 19Si Herodes ang tetrarko ay kanyang pinagsabihan dahil kay Herodias na asawa ng kapatid nito at dahil sa lahat nitong mga kasamaang ginagawa. 20Dahil dito, si Juan ay ipinakulong ni Herodes at ito’y nadagdag pa sa kanyang mga kasalanan.

21Noong nabautismuhan na ang mga tao pati si Jesus, at habang ito’y nananalangin, nabuksan ang langit at 22bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati. At isang tinig ang nagsabi mula sa langit. Ikaw ang aking Anak, ang pinakamamahal. Ako’y lubos na nalulugod sa iyo.

Gawan ito ng Daloy ng Parirala at Balangkas. Base sa iyong Daloy ng Parirala, ano ang pagbabasehan ng balangkas?

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Kailan nangyari at saan ang mga kaganapan sa teksto?
  2. Sino ang pinanabikan ng mga tao? Sino ang inakala nilang ang Cristo?
  3. Ano, ayon kay Juan ang mga katangian ng Cristo? Ano ang kanyang gagawin na kakaiba sa ginagawa ni Juan? Paano isinalarawan ni Juan ang gagawin ng Cristo?
  4. Paanong natigil sa pagpapahayag ng magandang balita si Juan? Sino ang nagpakulong sa kanya? Ano ang dahilan ng kanyang pagkakakulong?
  5. Kailan nagpabautismo si Jesus? Ano ang kanyang ginawa pagkatapos na siya’y mabautismuhan? Ano ang nangyari habang siya’y nanalangin?

Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa

1. Paghambingin ang salaysay ng pagbabautismo kay Jesus na matatagpuan sa Markos, Lukas at Mateo. Ano ang kaibahan na makikita kay Lukas?
2. Anong mga impormasyon tungkol sa Cristo ang ibinibigay sa talata 21-22? Paanong ipinapakita sa mga talatang ito na si Jesus ang Mesiyas at Aliping Nagpapakasakit? Basahin din ang pahinang ito.

Isaiah 42:3-4
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg LXX Hebrew
3The bruised reed he shall not break, and smoking flax he shall not quench: he shall bring forth judgment unto truth.
4He shall not be sad, nor troublesome, till he set judgment in the earth: and the islands shall wait for his law.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.