Sa ebanghelyo ni Mateo, si Jesus ay ipinapakilalang isang bagong Moyses — siya na nagtuturo ng mga landasin ng katarungan sa isang bagong Israel. Ang pagtuturo ni Jesus sa bundok ay matatapos sa dulo ng Mateo 7, at ang panimula ay matatagpuan sa Mateo 5:3-12. Ito’y kilala sa katawagang “Beatitudes”, sa Tagalog, “Ang mga Mapapalad”.
Madalas nating sabihin, “Suwerte si ganito dahil nanalo sa lotto” o “Suwerte si ganun dahil ang kanyang anak ay nasa abroad na.” Para sa Panginoon, ang “masuwerte” ay silang masasakop ng paghahari ng Diyos.
Ang Teksto
1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at sila’y tinuruan niya.
3 “Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
4 “Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
5 “Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
6 “Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila’y bubusugin.7 “Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
8 “Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.11 “Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan a nang dahil sa akin. 12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan nanggaling ang napakaraming tao na nakita ni Jesus?
- Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niya ang napakaraming tao?
- Sa Lumang Tipan, mayroon ba kayong natatandaang tao na nagturo mula sa isang bundok?
- Ano ang dahilan at sinabi ni Jesus na mapalad ang mga walang inaasahan kungdi Diyos [lit. dukha sa espiritu]? ang mga nagdadalamhati? ang mga mapagkumbaba? ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran? ang mga mahabagin? ang mga malinis ang puso? ang mga gumagawa ng kapayapaan? ang mga inuusig dahil sa katarungan [pagsunod sa kalooban ng Diyos]?
- Sino ang mga binabanggit ni Jesus na “nilalait at inuusig … nang dahil sa Akin?
- Anong dahilan at ang mga ito’y dapat magsaya at magalak? Ano ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang buod ng paninilbihan ni Jesus sa Mateo 4:23-25. Dito’y mauunawaan na ang mga taong sumunod si Jesus sa bundok — ang “napakaraming tao” — ay yaong mga nagnanais pagaling sa kanya.
2. Pag-aralang mabuti ang mga bahagi ng 5:1-12. Ang unang bahagi ay binubuo ng 3-10. at ang ikalawa ay ang 11-12.
(a) Ang 3-10 ay may dalawang bahagi na nagtatapos sa mga katagang may salitang “katarungan” (6.10, “katuwiran” at “pagsunod sa kalooban ng Diyos”)
(b) Ang 3 at 10 ay kapwa may katagang “kaharian ng Diyos”.
Ang 11-12 ay parang buod ng 3-10. Ang mga grupo ng tao na binabanggit dito sa huli ay silang nakakaranas ng paghihirap dahil sa kanilang pagsunod kay Jesus. At ang paghihirap na nadaranasan nila’y tulad ng dinanas ng mga propeta (e.g. Jeremias).
3. Pansinin ang mga sumusunod na katangian: ito ang mga katangiang dapat makita sa mga nais magpasakop sa paghahari ng Diyos
- dukha sa espirito (3) (“walang inaasahan kungdi ang Diyos”)
- nagdadalamhati (4)
- mapagkumbaba (5)
- nagugutom at nauuhaw sa katarungan (“ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos”)
- mahabagin (7)
- malinis na puso (8)
- gumagawa ng kapayapaan (9)
- ang mga sumusunod sa landasin ng katarungan (“sumusunod sa kalooban ng Diyos”) (10)



