Sa Bihilya ng Pasqua, ipapahayag ang salaysay ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ayon sa ebanghelyo ni Mateo (28:1-10). Ang salaysay na ito ang pag-uukulan natin ng pansin sa pahinang ito. Para sa Misa sa araw ng Pasqua, ang salaysay ayon kay Juan ang babasahin. Ang pahina para sa pag-aaral nito ay matatagpuan dito.
Ang Teksto
1 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. 2 Biglang lumindol nang malakas. Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. 3 Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. 4 Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila’y nabuwal na parang mga patay. 5 Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya rito sapagkat siya’y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo’t tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. 7 Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya’y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”
8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot! Magmadali kayo’t sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!”
Mga Tanong tungkol sa Teksto
- Kailan at anong oras nag-umpisa ang kaganapan sa salaysay?
- Sino ang tinutukoy na Maria Magdalena at ang isa pang Maria?
- Saan sila papunta? Ano ang kanilang pakay?
- Anong uri ng libingan ang kanilang pinuntahan? Katulad ba ito ng mga libingan natin ngayon? Ano ang ayos ng libingan? Kaninong libingan iyon?
- Kaya ba ng dalawang babae na buksan ang pintuan ng libingan?
- May mga tao na ba sa libingan? Sino ang nagsabi sa mga ito na magbantay roon? Anong dahilan?
- Paano nabuksan ang pintuan ng libingan? Sino ang nagpagulong ng batong pantakip? Tao ba ang nagbukas nito?
- Alam ba ng anghel kung sino ang pakay ng mga babae?
- Nanduon ba sa libingan si Jesus?
- Paano ipinaliwanag ng anghel ang pagkawala ni Jesus?
- May ipinasabi ba ang anghel sa mga alagad?
- Saan nila makakatagpo si Jesus?
- Ano ang naramdaman ng mga babaeng nakarinig sa mensahe ng anghel?
- Paano nakakaranas ng magkahalong tuwa at takot? Nangyayari ba ito?
- Sino ang nakasalubong ng mga babae nang sila’y paalis na?
- Ano ang naging reaksyon nila kay Jesus?
- Sinasamba ba ang tao? Sino ang sinasamba?
- Ano ang tawag ni Jesus sa kanyang mga alagad?
- Saan niya sila pinapupunta?
- Ano ang mangyayari’t kailangan silang pumunta sa Galilea?
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang mga salaysay ni Markos (16:1-8), Lukas (24:1-49) at Juan (20:1-23) tungkol sa unang araw ng Linggo, at ihambing ang mga ito sa mga salaysay ni Mateo. Anu-ano ang pagkakatulad? Anu-ano ang pagkakaiba?
2. Basahin din ang sinasabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay ni Kristo sa 1 Corinto 15:1-11.
3. Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan ng mga ebanghelista: Kung nais mong may maniwala na si Jesus ay muling nabuhay, gagawin mo bang saksi ang mga babae?



