Sa Lumang Tipan ang Jerico ang unang lungsod na sinakop ng mga Israelita nang sila’y pumasok sa Lupang Ipinangako. Pinabagsak nila ang moog ang lungsod sa pangunguna ni Joshua. Ang kaganapang ito’y isa sa mga himalang ginawa ng Diyos para sa Israel. Sa ating ebanghelyo para sa ika-31 Linggo ng Taong May-Bilang (C), isang himala na naman ang ginawa ng Diyos sa Jerico. Ito’y himala ng pagbabagong-loob. Si Zaqueo, isang maniningil ng buwis, at isa sa mga anak ni Abraham na naligaw ng landas, ay nasumpungan ni Jesus. Sa salaysay na ito’y makikita uli ang mabuting pastol na naghanap at nakasumpong ng tupang naligaw, at ang pagsasakatuparan ng awit ni Maria tungkol sa Diyos na magpapakita ng awa sa mga anak ni Abraham.
Ang Teksto ng Lukas 19:1-10
1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya’y pandak. 4 Kaya’t patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."
6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako’y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."
Mga Tanong tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus sa umpisa ng salaysay?
- Batay sa iyong naaalala, mahalaga ba ang Jerico sa kasaysayan ng kaligtasan? Anong pangalan ng mga "banal" ng Israel ang iniuugnay sa Jerico?1
- Sino ang bida sa salaysay na ito? Anong uri ng tao siya?
- Batay sa iyong naaalala, paano nakikitungo si Jesus sa mga tulad ni Zaqueo?
- Paano isinasalarawan si Zaqueo sa salaysay?
- Siya ba ay interesado kay Jesus? Sino pa sa ebanghelyo ni Lukas ang may interes na makita si Jesus? Ano ang kaibahan ni Zaqueo dito sa huli?
- Madali bang nakita ni Zaqueo si Jesus? Ano ang dahilan at hindi niya agad makita si Jesus? Ano ang kanyang ginawa para makita si Jesus? Madali ba para sa isang taong nasa kalagayan ni Zaqueo ang umakyat sa isang puno?
- Kilala ba ni Jesus si Zaqueo? Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niya si Zaqueo? Bukod kay Zaqueo, meron pa bang maniningil ng buwis na tinawag ni Jesus? Nang pumasok si Jesus sa tahanan ni Levi, maganda ba ang inisip ng mga nakasaksi niyon? Sa kaso ni Zaqueo, wala bang nag-isip ng masama?
- Inimbita ba ni Zaqueo si Jesus sa kanyang bahay?
- Ipinaglaban ba ni Zaqueo ang kagustuhan ni Jesus na pumasok sa kanyang bahay? Paano niya ginawa ito? Ano ang ipinangako niyang gagawin?
- Ano ang tugon ni Jesus kay Zaqueo? Ano ba ang pangako sa mga anak ni Abraham?
- May naaalala ka bang iba pang talata sa Lukas na katulad ng nasasaad sa t. 10?2
- Sino ba ang pumasok sa bahay ni Zaqueo nuong araw na iyon, si Jesus ba o ang Kaligtasan?3
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Basahin ang mga sumusunod na talata tungkol kay Jesus at mga maniningil ng buwis:
- Lukas 5:27-32
- Lukas 15
2. Ipinangako ni Zaqueo na ibibigay niya ang kalahati ng kanyang kayamanan sa mga mahihirap. Sa turo ng mga Rabbino, sapat na magbigay ng ikalimang bahagi (1/5) ng kayamanan bilang donasyon.
Sinabi rin ni Zaqueo na ibabalik niya ng makaapat na beses ang halagang kanyang nakuha sa pandaraya. Ito ang parusang ipinapataw sa mga magnanakaw ayon sa Exodus 22:1. Kung tutuusin, para sa isang maniningil ng buwis, ibang parusa ang ipinapataw: Kung ang maniningil ng buwis ay nangumpiska ng ilegal, kailangan niyang ibalik ang doble ng halagang kanyang kinuha. Nguni’t kung sa loob ng isang taon ay walang naghain ng sakdal laban sa kanya, sapat ng ibalik niya kung ano man ang halaga ng kanyang kinuha. Kung ang pagkumpiska na ilegal ay may kasamang dahas, makatatlong ulit ang halaga ng kanyang isasauli. Samakatuwid ang ipinapangakong ibibigay ni Zaqueo ay sobra-sobra pa sa hinihingi ng batas para sa isang mandarayang maniningil ng buwis.
- Jericho ang unang lungsod na sinakop ng mga Isrselita sa kanilang pagpasok sa Lupang Ipinangako. Si Joshua ang kanilang "lider" noong kanilang ibagsak ang lungsod. Si Joshua ay kapangalan ni Jesus.↩
- Ang mga talinghaga ng mga nawala at natagpuan sa Lukas 15.↩
- Kapwa. Ang ibig sabihin ng Jesus ay "Kaligtasan"↩




Ang naligaw na nasumpungan muli lukas 191 10.. Outstanding