Email This Page Email This Page
angfrayle on March 12th, 2009

Ang ika-12 kabanata ng ebanghelyo ni Juan ang kabanata sa pagitan ng dalawang bahagi nito: ang aklat ng mga tanda (1-12), at ang aklat ng luwalhati (13 hanggang sa katapusan.) Sa kabanatang ito’y matatagpuan ang sipi na babasahin sa ika-5 Linggo ng Cuaresma (Taon B). Nakapasok na si Hesus sa Jerusalem na sinalubong ng mga taong may winawagayway na palaspas nang may mga Griyegong nakiusap na makita siya. Nang malaman ito ni Hesus ay naunawaan niyang dumating na ang oras na kanyang pinakahihintay.

Ang ebanghelyo ay itinapat sa kasabihan ni Jeremias tungkol sa Bagong Tipan (31:31-34) hindi dahil may kaugnayan ito sa ebanghelyo kung hindi dahil ang kabuuuan ng liturhiya ay isang paanyaya para sa nalalapit na Mahal na Araw, lalong-lalo na ang mga araw na ito: ang Linggo ng Palaspas, ang Huwebes ng Paghuhugas ng Paa, ang Biyernes Santo at ang Sabado de Glorya. Sa Linggo ng Palaspas ay aalalahanin ang
marangyang huling pagpasok ni Hesus sa Jerusalem; sa Huwebes Santo ay isasakasalukuyan ang Huling Hapunan at ang Bagong Pakikipagtipan sa dugo ni Kristo; sa Biyernes Santo’y pagninilayan ang pagtataas ng Anak ng Tao. Ang mga ito’y malapit na paghahanda sa Sabado de Glorya kung saan sasariwain natin ang ating pagkakabinyag sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo.

Ang Teksto

20Noon ay may ilang Griyegong kasama sa mga umakyat upang sumamba sa pista. 21Ang mga ito’y pumunta kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at siya’y pinakiusapan nila: Ginoo, nais naming makiita si Hesus. 22Pumunta si Felipe kay Andres at ipinaalam sa kanya. At pumunta si Felipe at Andres kay Hesus at sinabit ito sa kanya. 23Sumagot si Hesus at sinabi sa kanila:

Dumating na ang oras upang ang anak ng tao ay luwalhatiin. 24Amen, amen, sinasabi ko sa inyo: Kung ang butil ng trigo ay hindi mahuhulog at mamamatay, mananatili siyang nag-iisa. Nguni’t kung siya’y mamamatay, magbubunga siya ng marami. 25Ang sinumang iibig sa kanyang kaluluwa ang papatay dito, nguni’t ang mapopoot sa kaluluwa sa mundong ito ang nag-iingat dito para sa buhay na walang hanggan. 26Ang sinumang nagnanais manilbihan sa akin, ay sumunod sa akin upang kung nasaan ako ay nanduon din ang aking alipin. At ang sinumang alipin ko ay pararangalan ng Ama.

27Ngayon ang aking kaluluwa ay natatakot. Nguni’t ano ang sasabihin ko “Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?” Nguni’t dumating ako dahil sa oras na ito! 28Ama, luwalhatiin ang iyong Ngalan! At may tinig na nagmula sa langit: “Niluwalhati ko na at muli’y luluwalhatiin pa.” 29Narinig ito ng mga taong naroon ang nagsabing: “Kulog iyon”. Ang ilan naman ay nagsabing “Anghel iyon na may sinabi sa kanya.” 30Tumugon si Hesus: “Ang tinig na iyon ay hindi para sa akin kung hindi para sa inyong kapakanan.” 31Ngayon nga’y paghahatol na; ngayon, ang prinsipe ng mundong ito ay itatapon palabas. 32At kapag ako’y itataas na mula sa daigdig, ang lahat ay ilalapit ko sa akin. 33Ito’y kanyang sinabi upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34Tumugon sa kanya ang mga tao: Narinig namin sa Batas na ang Kristo ay mananatili magpasawalang-hanggan. Paano mo nasabi na dapat na itaas ang anak ng tao. Sino ba ang anak ng tao? 35Sinabi sa kanila ni Hesus: Ilang sandali na lang ang pananatili ng Liwanag sa piling ninyo. Maglakad kayo habang may Liwanag pa upang hindi kayo maabutan ng dilim. Ang naglalakad sa karimlan ay hindi alam kung saan pupunta. 36Habang nandyan pa ang Liwanag, manampalataya kayo sa Liwanag upang kayo’y maging anak ng Liwanag. Ang mga ito’y sinabi ni Hesus ay nang makalayo na siya’y nagtago sa kanila.

Mga Tanong Tungkol Sa Talata

  1. Kailan naganap ang mga pag-uusap na ito?
  2. Sino ang mga dumating upang makipag-usap kay Hesus? Kanino sila nakiusap?
  3. Anong oras na nang dumating ang mga Griyego?
  4. Ano ang sinabi ni Hesus tungkol sa oras na ito?
  5. Ano ang kaugnayan ng oras na ito sa pagluluwalhati sa Ama?
  6. Ano ang kaugnayan ng butil ng trigo sa oras na ito?
  7. Ano ang kaugnayan ng pagibig sa kaluluwa sa butil ng trigo?
  8. Ano ang nais ni Hesus para sa maninilbihan sa kanya?
  9. Tama ba ang pag-unawa ni Hesus sa oras? Paano mo ipapaliwanag ang iyong sagot?
  10. Ano ang sabi ng tinig mula sa langit?
  11. Ito ba’y naunawaan ng mga tao duon?
  12. Ano ang kaugnayan ng pagtataas ng anak ng tao sa oras?
  13. Ano ang ibig sabihin ng pagtatas ng anak ng tao, ayon sa Ebanghelista?
  14. Ang kahulugan ba ng pagtataas ng anak ng tao ay naunawaan ng mga nanduon?
  15. Ano ang tugon sa kanila ni Hesus?
  16. Ano ang kaugnayan ng oras sa pagdatal ng dilim?
  17. Matagal pa ba bago magdilim?
  18. Ano ang ginawa ni Hesus nang masabi na nya ang gusto niyang sabihin?

Para sa pag-unawa ng teksto

May mga ekspresyon sa Griyego ng Ebanghelyo ni Juan na dapat maunawaan

1. “umakyat” — Ang sinumang pumupunta sa templo ng Jerusalem ay sinasabing “umaakyat” sa kadahilanang ang Templo ay nasa tuktok ng
isang bundok.

2. “luwalhatiin” – ang pagluluwalhati sa Anak ng Tao ay tumutukoy sa pagbabalik niya sa luwalhating meron na siya bago pa siya dumating sa
daigdig, ang luwalhati ng Bugtong na Anak (ng Diyos). Ang pagluluwalhati ng Ngalan ng Ama ay ang pagsasagawa ng Kanyang kagustuhan.
Dito’y dapat unawain na ang luwalhati ng Anak at ng Ama ay magkaiba.

3. “kaluluwa” – ang Griyegong “psyche” ay maaaring mangahulugang “buhay.” Sa pagsasaling ginawa ko, “kaluluwa” ang pagkakaliwat sa
“psyche” upang madaling makita ang kaugnayan ng kasabihan tungkol sa “pag-ibig sa sariling buhay” at ang sinabi ni Hesus “Ang aking kaluluwa
ay natatakot” (=Ako ay talagang takot na takot).

4. “Liwanag” at “Dilim” — mahilig sa kontrasto at dobleng kahulugan ang Ebanghelistang Juan. Kailangang ang mga sinasabi niya rito ay unawain
din hindi lang ayon sa ordinaryong pagunawa sa dapithapon kundi ayon din sa mga sinasabi sa unang kapitulo ng ebanghelyo.

5. “Oras” — dito ang tinutukoy ay hindi iyong panahong binubuo ng animnapung minuto. Ang oras na binabanggit ay ang oras ng pagsasagawa ni
Hesus sa kagustuhan ng Ama.

Para sa mas malalim na pag-unawa sa teksto

1. Basahin ang kabuuan ng kabanata 12 ng ebanghelyong Juan at alamin ang mga elemento nito na tumutukoy sa kamatayan ni Hesus.

2. Basahin din ang lathalaing ito para makita kung paanong nagkakaugnay
ang mga bahagi ng ika-12 Kapitulo.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.