Sa Ikalawang Linggo ng Cuaresma, ating pinagninilayan ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon sa bundok. Sa liturhiya ang tekstong ni Markos 9:2-10 ay ikinombina sa Genesis 22 — ang Aqedah — ang kwento ng pagsasakripisyo ni Abraham kay Isaac. Kung tutuusin ang Pagbabagong-Anyo ni Jesus ay may kaugnay sa pagsasakripisyo sa Kanya ng Ama sa krus ng Golgota. At ang Pagbabagong-Anyo ay para kay Pedro na hindi matanggap ang katotohanang bago umakyat sa luwalhati si Hesus ay kailangan niyang dumaan muna sa krus ng paghihirap.
Ang Teksto
2Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan. Dinala niya silang bukod sa mataas na bundok na sila lang ang naroroon. Siya ay nagbagong anyo sa harap nila. 3Ang kaniyang kasuotan ay naging makinang, pumuti na gaya ng niyebe. Walang tagapagpaputi ng damit sa lupa ang makapagpapaputi ng ganoon. 4Si Elias, kasama ni Moises ay nagpakita sa kanila na nakikipag-usap kay Jesus.
5Si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Magtatayo kami ng tatlong kubol, isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. 6Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin sapagkat sila ay takot na takot.
7At dumating ang isang ulap at nililiman sila. Narinig nila ang isang tinig mula sa ulap na nagsasabi: Ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya.
8Ngunit kapagdaka sa pagtingin nila sa paligid, wala na silang nakitang sinuman kundi si Jesus na lamang na kasama nila.
9Habang sila ay bumababa mula sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus na huwag nilang sabihin kaninuman ang kanilang nakita malibang mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao. 10Iningatan nila sa kanilang sarili ang pananalitang ito at nagtatanungan sila kung ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay mula sa mga patay.
Mga Tanong Tungkol Sa Teksto
1. Kailan nangyari ang kaganapan ikinwento ni Markos? Anim na araw pagkatapos ng anong pangyayari? Tama bang sabihin na ang pagbabagong-anyo ay nangyari sa “ika-pitong araw”? Ano ang pumapasok sa isipan mo kapag narinig ang talatang “ika-pitong araw?”
2. Sino ang kasama ni Jesus? Saan niya unang nakatagpo ang mga ito? Sa puntong ito ng kasaysayan ni Markos, ano na ang alam mo tungkol sa tatlong alagad na ito?
3. Saan sila pumunta? Sa palagay mo, naging madali ang pagpunta nila roon? May kasama pa ba silang iba roon?
4. Ano ang nangyari kay Jesus? Ano ang nangyari sa kanyang pagbabagong-anyo? Maka-lupa ba ang pangyayaring iyon? Paano mo nalaman iyon?
5. Sino ang mga nagpakitang kasama ni Jesus? Ano ang kanilang ginagawa? Ano ba ang kahalagahan ng dalawang ito sa kasaysayan ng Israel?
6. Ano ang naging reaksyon ni Pedro? Ano ang “kubol” na tinutukoy ni Pedro? Ito ba ay may kaugnayan sa isang pista ng mga Hudyo? Ano ang isinasa-kasalukuyan ng kapistahang ito?
7. Ano ang naramdaman ng mga alagad: tuwa ba?
8. Ano ang nangyari pagkatapos magsalita ni Pedro. Ang pangyayari bang ito’y noon lang nangyari? Kung hindi, saan pa sa banal na Kasulatan nangyari ang pagdating ng isang ulap? Ano ang ipinapahayag ng ulap na ito?
9. Ano ang narinig mula sa tinig na nagmula sa ulap? Ang sinabi ba’y meron katulad sa Ebanghelyo ni Markos? Kailan unang narinig ang tinig na iyon? May pagkakatulad ba ang mensahe ng Tinig sa dalawang okasyon na ito? Ano ang pagkakaiba?
10. Nandun pa ba ang mga kausap ni Jesus pagkatapos magsalita ng Tinig?
11. Ano ang ibinilin ni Hesus sa mga alagad pagbaba nila ng bundok? May katulad ba ang bilin na ito sa mga sinasabi ni Jesus sa mga demonyong nakakakilala sa kanya? Ano ang pagkakaiba? Ano ang tawag sa “sekretong” ito?
12. Naintindihan ba ng mga alagad ang bilin sa kanila ni Jesus?
Para sa pag-unawa ng teksto
- Saliksikin ang mga sumusunod:
- Ang kahalagahan ni Moises at Elias para sa kasaysayan ng kaligtasan.
- Ang kapistahan ng mga kubol (“Feast of Booths”) at ang kahulugan nito para sa mga Israelita
- Ang “shekina” — ang ulap ng Presensya ni Yahweh sa Lumang Tipan.
- Pag-aralan ang Malapit na Konteksto upang malaman…
- kung bakit si Pedro ang bida (siya lamang ang may speaking lines) sa Pagbabagong-anyo ni Jesus
- kung bakit si sinabi ng Tinig na “pakinggan” si Jesus
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
Basahin ang mga sumusunod na talata mula sa Katekismo ng Iglesya Katolika
- CCC 552
- CCC 151
- CCC 459
- CCC 649




One Response to “Ang Pagbabagong-Anyo Ni Hesus (Markos 9:2-10)”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply