Ang mga pagbasa sa ikalawang Linggo ng Cuaresma (C) ay tungkol sa pakikipagtipan kay Abram (unang pagbasa) ang krus ni Cristo na dapat yakapin ng mga nananampalataya tulad ng pagyakap dito ni Pablo (ikalawang pagbasa) at ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus (ebanghelyo). Ang mga temang ito ay may kaugnayan sa ating binyag. Nang tayo’y binyagan, naging bahagi tayo ng pakikipagtipan na kung saan ang mahalaga ay hindi ang kapanganakang biyolohiko kungdi ang kagustuhan ng Ama. Ang pakikipagtipan na iyan ay ginawa sa ilalim ng krus ni Kristo na siyang iminarka sa atin sa ating binyag at patuloy nating inaalala tuwing tayo’y nag-aantanda. Ang krus ni Kristo ang magdadala sa kanya sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ayon nga kay Pablo, naging mapagtalima si Jesus hanggang sa kamatayan ng krus kung kaya naman iniluklok siya ng Ama sa kanyang kanan at tinanggap niya ang ngalang “Panginoon.”
Ang Teksto
28 Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, 31 na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila’y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem.
32 Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila’y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo’y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila’y natakot.
35 Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. a Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.
Mga Katanungan tungkol sa Teksto
- Kailangan nangyari ang kaganapang isinalaysay ni Lukas? Walong araw pagkatapos ng anong kaganapan?
Saan pumunta si Jesus? Ano ang kanyang pakay? Sino ang kanyang mga kasama? - Ano ang nangyari habang si Jesus ay nanalangin? Sa Bagong Tipan, ano ang ibig sabihin ng kulay puti?
- Ano ang kaningningang bumalot kay Jesus? Ito ba’y kanya o hiram? Saan nagmumula ang kaningningan nina Moises at Elias?
- Samantalang nangyayari ang mga ito kay Jesus, ano ang ginagawa ng mga alagad? Meron pa bang isang mahalagang kaganapan kung saan sila rin ay natulog?
- Nang magising ang mga alagad, ano ang nakita nila?
- Ano ang sinabi ni Pedro kay Jesus? Ano ang ipinapaalala ng kubol na itatayo ni Pedro?
- Habang nagsasalita si Pedro ano ang bumalot sa kanila?
- Ano ang kanilang narinig sa ulap? Kailan unang narinig ang tinig na ito? Ano ang winika ng tinig sa mga kaganapang ito?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ihambing ang Lukas 9:28-36 sa Mateo 17:1-8 at Markos 9:2-8. Alamin kung paanong naiiba ang salaysay ni Lukas kay Mateo at kay Markos.
2. Saliksikin ang mga sumusunod na katanungan:
A. Anong mga kaganapan sa kasaysayan ng kaligtasan ang ipinapaalala ng mga sumusunod?
(a) exodos
(b) kubol
B. Ano ang kahalagahan sa kasaysayan ng kaligtasan nina:
(a) Moises
(b) Elias




Leave a Reply