
Sa Linggo ng Pagpapakita ng Luwalhati ng Diyos (Epiphany) babasahin natin ang salaysay tungkol sa pagdalaw ng mga taga-Silangan sa sanggol na ipinanganak ni Maria. Kung matatandaan, sa umpisa pa lamang ng ebanghelyo ni Mateo ay ipinahayag na ng ebanghelista na "mula kay Maria ay isinilang si Jesus, ang tinatawag na Cristo (ang Mesiyas)", na siya ring "anak ni David". Ang salaysay ni Mateo tungkol sa mga taga-Silangang dumalaw ay tungkol sa mga kumakatawan sa mga Hentil na nakatuklas sa Mesiyas sa tulong ng isang bituin. Sila’y mga taong marunong bumasa ng kalangitan nguni’t kailangan pa nilang makapunta sa Jerusalem upang sa tulong ng mga Kasulatan ay matagpuan nila ang Harinn ipinangakong maghahari sa lahat ng mga bansa (Ps. 72)
Ang Teksto
1 Panahon ng paghahari ni Herodes a sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya’y isilang, may mga matatalinong taong b mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanungtanong sila, "Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya’t naparito kami upang siya’y sambahin."
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya’t tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila’y tinanong, "Saan ba isisilang ang Cristo?" 5 Tumugon sila, "Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta:
6 ‘At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’"
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, "Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya." 9-10 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila’y nagpatuloy na sa paghahanap; sila’y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang sila’y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya’t nag-iba na sila ng daan pauwi.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Sino ang hari nang ipanganak si Jesus? Saan siya ipinanganak? Mula sa ating nabasa na sa ebanghelyo ni Lukas, paanong naipanganak si Jesus sa Betlehem? Ano ang makalumang Tagalog para sa Betlehem?1
- Nang maipanganak na si Jesus, sino ang dumating sa Jerusalem? Ano ang kanilang pakay? Saan sila galing? Anong uri ng tao sila?
- Mayroon na bang hari noon ang mga Judio? Siya ba ay Judio? Siya ba ay tunay na hari ng mga Judio?2
- Ano ang reaksyon ni Herodes sa tanong ng mga bagong dating? Naging interesado rin ba siyang malaman ang tugon sa tanong ng mga bagong dating? Paano niya ipinakita ang interes na ito?
- Ayon sa Kasulatan, saan matatagpuan ang haring bagong panganak? Sino ang nagsabi nito?
- Pinigilan ba ni Herodes ang mga bagong salta sa kanilang pakay? Ano ang utos niya sa kanila? Mabait ba si Herodes sa mga maaari niyang maging karibal sa pagkahari?
- Nang ipagpatuloy na ng mga bisita ang kanilang paghahanap, ano ang kanilang nakita? Ano ang reaksyon nila sa pangitaing iyon? Ang bituing sinusundan ba nila ay gumagalaw? Kailan nila nalamang tapos na ang kanilang paghahanap?3
- Paano nilang natagpuan ang sanggol na bagong silang? Ano ang kanilang mga dalang handog? May mga kahulugan ba ang mga handog na ito?4
- Bumalik ba ang mga bisita kay Herodes? Ano ang dahilan at hindi nila sinunod ang utos ng Hari? Ang landasing tinahak nila pabalik ay katulad ba ng kanilang unang dinaanan? Sa mga Kasulatan, may kahulugan ba ang pagbabago ng landasin?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
Pansinin ang mga sumusunod:
- Hindi sinabi sa salaysay kung ilan ang mga taong naghanap kay Jesus. Sinasabing sila’y "tatlo" dahil sa bilang ng mga handog na kanilang dala.
- Sa teksto ng Mabuting Balita, sinasabing ang mga bagong dating ay mga "matatalinong tao". Sa Griyego, ang tawag sa kanila’y "Mago", mga taong may malalim na kaalaman sa kalikasan at mga taong mahalaga ang katayuan sa kanilang lipunan. Sila’y hindi lamang mga "paham" kungdi maaari ring mga "kabo" ng kanilang mga lipi.
- Ang salaysay tungkol sa pagdalaw ng mga Mago ay natapos sa kanilang pag-uwi. Ang salaysay ng pagpaslang sa mga bagong silang na sanggol sa Betlehem ay mag-uumpisa sa t. 13. Ang mga bida sa mga salaysay na ito ay ang kapapanganak na hari (si Jesus) at ang palalong haring si Herodes. Meron ka bang naaalalang salaysay sa Bibliya tungkol sa isang hari ng Israel na nagnais patayin ang isang "tagong hari" na hinirang ng Diyos?5
Mula sa Katekismo
Ang EpifaniaAng “Epifania” ay ang pagpapakilala kay Jesus bilang Messias ng Israel, Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng mundo. Kasama ng pagbibinyag kay Jesus sa Jordan at ang kasalan sa Cana, ipinagdiriwang din dito ang pagsambang ipinakita ng mga mago na dumating galing sa Silangan.
Sa mga magong ito na kumakatawan sa mga relihiyong pagano, nasisilip ng Ebanghelyo ang mga unang bunga ng mga bansa na tumanggap sa Mabuting Balita ng Kaligtasan sa pamamamagitan ng Pagsasakatawang-Tao ng Diyos.
Ang pagdating ng mga mago sa Jerusalem upang sambahin ang hari ng mga Judio ay nagpapakitang hinahanap nila sa Israel sa tanglaw ng bituing messianica ni David (cf. Num 24,17; Revelation 22:16), siya na magiging hari ng mga bansa. Ang kanilang pagdating ay nangangahulugan na matatagpuan ng mga pagano si Jesus at sasambahin siyang bilang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng Daigdig kung sila ay magpapagabay sa mga Judio at tatanggapin sa mga ito ang pangakong mssianico na napapaloob sa Lumang Tipan. Ipinapakita ng Epifania na “ang buong bilang ng mga bansa” ay napasali na ngayon “sa pamilya ng mga patriarko” at tumanggap na ng karapatang manahin ang mga nireserba ng Diyos para sa Israel. (Eorum adventus significat paganos Iesum invenire et Illum ut Filium Dei et Salvatorem mundi adorare non posse nisi se ad Iudaeos vertant (cf. Jn 4,22) et ab illis Promissionem accipiant messianicam sicut in Vetere continetur Testamento (cf. Mt 2,4-6). Epiphania manifestat gentium plenitudinem intrare in Patriarcharum familiam et « Israeliticam dignitatem » acquirere. (Catechismus Cath. Eccl. 528)
16I Jesus have sent my angel, to testify to you these things in the churches. I am the root and stock of David, the bright and morning star.
- Belen↩
- Hindi dahil siya’y itinalaga doon ng isang mas malaking hari: ang Imperador ng Roma.↩
- Nang tumigil ang bituin sa tapat ng isang bahay.↩
- Ginto, bilang pagkilala sa haring-sanggol; Insenso, para sa kanyang pagka-Diyos; at mira, para sa kanyang dadaaning pagpapakasakit.↩
- Ang salaysay tungkol kay Haring Saul at si David.↩




[...] Ang Pagdalaw ng mga Taga-Silangan The Bible Workshop [...]