Frangelico Last Judgment

Sa Kapistahan ng Kristong Hari, tayo ay inaanyayahang magnilay sa talinghaga ng "Paghahatol sa mga Bansa". Ang mga piniling pagbasa sa Linggong ito ay may mga elementong katulad ng sa sipi sa ebanghelyo: ang haring pastol na hahatol sa mga tupa at mga kambing (Ezekiel 34), ang dakilang pastol na pinangangalagaan ang kanyang mga tupa (Salmo 22), and paghahari ni Kristo (1 Cor. 15).

Ang Teksto

31Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian. 32Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa’t isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

34Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

37Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

40Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

41Sasabihin din niya roon sa mga nasa kaliwa: Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel. 42Ito ay sapagkat nagutom ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43Ako ay naging taga-ibang bayan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy. Ako ay naging hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan. Nagkasakit ako at nabilanggo ngunit hindi ninyo ako dinalaw.

44Sasagot din sila sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o naging taga-ibang bayan, o naging hubad o nabilanggo at hindi kami naglingkod sa iyo?

45Siya ay sasagot sa kanila na sinasabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.

46Ang mga ito ay pupunta sa kaparusahang walang hanggan. Ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.

Pansinin ang mga sumusunod

  1. Ang "Anak ng Tao" sa t. 31 ay tinawag na "hari" sa t. 34.
  2. Ang mga "bansa" ang tatayo sa harapan ng "Anak ng Tao"; sa mga naunang talinghaga, mga grupo ng tao ang hinatulan.
  3. Ang mga itinulad ng "tupa" sa t. 32 na itinalaga sa gawing kanan ng hari ay tinawag na "pinagpala" (t. 34) at "matuwid" (t. 37). May mga pagpapalit ng katawagan din ba para sa mga itinulad sa kambing (t. 33)?
  4. Ano ang basehan ng kahatulang ibinigay ng hari sa dalawang grupo?
  5. Sino yaong mga "pinakamaliit sa aking mga kapatid?"
  6. Bakit sila tinawag na "pinakamaliit"?
  7. Ano ang dahilan at ang ginawa o hindi sa mga "pinakamaliit" ay maaaring maging dahilan ng pagpasok sa "buhay na walang hanggan" o sa "kaparusahang walang hanggan"?
  8. Ano ba ang ginawa ng mga itinulad sa "kambing" at sila’y napapunta sa kaparusahan?

Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto

  1. Alamin kung paano ginagamit sa ebanghelyo ni Mateo ang taguring "Anak ng Tao"
  2. Ihambing ang Mateo 25:31-46 sa mga naunang talinghaga: anu-ano ang pagkakatulad ng mga ito? anu-ano ang mga pagkakaiba?

Leave a Reply

*

AWSOM Powered