Ngayong taong ito, ang pagdiriwang ng kapistahan ng Santo Niño ay sumabay sa ikalawang Linggo ng taong may-bilang. Sa kapistahang ito’y inaalala natin ang pagtanggap sa Pilipinas ng pananampalatayang Kristiyano. Sa Efeso 1:3-18 ay makikita natin si San Pablo na ini-isa-isa ang mga biyayang tinanggap ng mga Hentil mula kay Cristo. Ang mga talata 15-18 ay naglalaman ng isang panalangin na maaari ring sabihing para sa mga Pilipino. Ang Isaiah 9:1-7 ay naghahatid sa atin ng isang larawang katulad ng Santo Niño — isang Haring-Sanggol ang ipinapakilala rito na siyang magbibigay ng Kapayapaan at Katarungan para sa lahat. Ang pagbasa mula sa ebanghelyo ay pinili upang ipaalala sa atin ang kahalagahan ng espiritwal na pagkabata.
Ang Teksto
1 Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila 3 at sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
…
10“Pakaingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus at ang mga alagad sa salaysay na ito? 1
- Anong malaking kaganapan ang katatapos pa lang mangyari? 2
- Anong mahalagang pahayag ang sinabi ni Jesus sa mga alagad nang sila’y makabalik na sa Galilea bago makarating sa Capernaum? 3
- Sa salaysay na nabasa, ano ang katanungan ng mga alagad?
- Paano nakikilala ang “kadakilaan” sa mga Judio? 4 Ano ang pagtingin ng lahat sa mga bata noong panahon ni Jesus? Sila ba’y larawan ng kadakilaan?
- Ayon kay Jesus, paano makakapasok sa kaharian ng langit? 5
- Ano ba ang katangian ng mga bata na kinaluluguran ni Jesus? 6
- Ang pagtitiwala ba sa Ama sa langit itinuro ni Jesus? Saan? 7.
- Sa isip ni Jesus, ano ang ibig sabihin ng pagiging dakila? 8
- May mga naaalala ka bang mga talata ng bagong tipan kung saan ipinagdidiinan ang kababaang-loob? Ano ano ang mga ito?
- Sa paggamit ni Jesus ng talatang “ang mga maliliit na ito”, ang tinutukoy ba niya ay mga bata lamang? 9
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang kabuuan ng Mateo 18:1-11. Sa mga talatang ito sino ang mga binabanggit na “maliliit”? Ang mga talata 6-9 ay nilaktawan sa panlingguhang liturhiya ngayon dahil babasahin uli ito sa iba pang okasyon. Ang mahalaga ngayon ay ang mga turo tungkol sa pagiging tulad ng isang bata.
2. Basahin ang mga sumusunod tungkol sa kababaang-loob
- Mateo 11:29
- Philippians 2:6-8;
- Colossians 3:12;
- Santiago 3:13;4:6.10
- 1 Pedro 3:8; 5:5.6;
3. Basahin ang mga sumusunod tungkol sa pagtitiwala sa Amang nasa langit:
- Mateo 6:5-13; 19-21;25-34
- Mateo 7:7-11;21-23
- Sa Capernaum, siguro sa bahay ni Pedro, Matthew 17:24↩
- Ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok, cf. Matthew 17:1ff↩
- Ang pahayag tungkol sa kamatayan ni Jesus, cf. Matthew 17:22-23↩
- Sa pananamit at sa pagkain. Ang kariwasaan ay isa sa mga panukat ng kadakilaan sa Palestina nang unang siglo.↩
- Ang magbagong-buhay at maging tulad ng isang bata.↩
- Ang kanilang pagtitiwala sa kani-kanilang mga ama.↩
- Sa kanyang Sermon sa Bundok, cf. Mat. 5-7↩
- Ang pagpapakababang-loob.↩
- Hindi. “Maliliit” din ang tawag niya sa mga gutom, nauuhaw, walang damit, cf. Mat. 25.↩



