Taon-taon ay ipinagdiriwang ng Iglesya sa Pilipinas ang kapistahan ng Banal na Sanggol — ang Santo Niñ. Ito ay isang kapistahang malapit sa puso ng mga Pilipino dahil ito ay may kaugnayan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga isola ng Pilipinas. Sa kapistahang ito ay ipinapaaalala rin nating mga Pilipino na bagaman ang pananampalatayang Kristiyano ay apat na daang taon nang umiiral dito sa Pilipinas, ang mga Kristiyano sa bahaging ito ng mundo ay para pa ring mga musmos na nangangailangan ng gatas ng kanyang Ina. “Gaya ng sanggol” ani San Pedro, “kayo’y manabik sa gatas na espirituwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. (1 Pedro 2:2)

Para sa pagbasa sa taong ito, nais ng Iglesya na ating pagnilayan ang isang kaganapan sa buhay ni Jesus: ang kanyang pagkawala sa piling ni Jose at Maria. Ang kalungkutang dinulot nito sa kanyang mga magulang ay umpisa lamang ng pagsasakatuparan sa wika ni Simeon tungkol sa punyal na tatarak sa puso ng kanyang ina. Kahit si Jose at Maria ay madadamay sa kahihinatnan ng kahit sinong alagad na nagnanais lumapit kay Jesus. Para sa kapistahan ng Sto. Niño, ang mahalagang tandaan ay ang wika ni Jesus: “Hindi niyo ba alam na dapat lamang na ako’y makisama sa gawain ng aking Ama?” Katulad ni Jesus tayong lahat ay inaanyayahang makibahagi sa gawain ng Ama sa langit kahit pa sa murang edad. At mangyayari lamang iyan kung ang mga magulang ay katulad ni Jose at Maria na tunay na mga deboto ng Diyos.

Ang Teksto

Gawan ng Daloy ng mga Parirala ang talatang sumusunod at alamin

  1. Anu-ano ang mga mahahalagang ideya tungkol kay Jesus ang binibigyan ng diin ni Lukas?
  2. Paanong ipinapakita dito ang kahalagahan ng ikaapat na utos: ang tungkol sa pag-galang sa mga magulang?

41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya’y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila’y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya’y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako’y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” a 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

51 Siya’y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya’y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Ano ang taun-taong ginagawa ni Jose at Maria na kasama ang kanilang anak?
  2. Ilang taon si Jesus nang siya’y mawala sa piling ni Jose at Maria? Paano siya nawalay sa kanila? Saan natagpuan ng mag-asawa ang kanilang anak? Ano ang kahalagahan ng Jerusalem sa ebanghelyo ni Lukas?
  3. Ilang araw na naghahanap si Jose at Maria nang kanilang matagpuan si Jesus? Saan nila natagpuan ang bata? Ano ang kanyang ginagawa at sino ang kanyang mga kasama? Ano ang reaksyon ng mga kasama ni Jesus sa kanyang mga sinasabi?
  4. Ano ang pakiramdam ni Jose at Maria nang kanilang makita ang anak? Tama ba na bigyan ng isang anak ng problema ang kanyang mga magulang? Nag-alala ba si Jose at Maria dahil kay Jesus?
  5. Ano ang sagot ni Jesus sa tanong ni Maria? Ito ba ay dala ng kabastusan?
  6. Ano ang ibig sabihin ng katagang “bahay ng aking Ama” sa wikang Aramayko?
  7. Ano ang reaksyon ng mga magulang sa tinuran ng anak?
  8. Masasabi bang nais maging independente si Jesus sa kanyang mga magulang? Ipaliwanag ang iyong sagot.

Para sa mas Malalim na Pagunawa

  1. Sa edad na labindalawa, ang batang lalaki’y nag-uumpisa na ng kanyang pagsasanay bilang kabilang sa bayan ng Israel at bilang isang lalaking anak na magdadala ng pangalan ng kanyang ama. Pagtuunan ng pansin ang pag-uusap ni Maria at Jesus, at alamin ang dalawang kahulugan ng salitang “ama” sa pag-uusap na ito.
  2. Sa ebanghelyo ni Lukas, ang Templo ng Jerusalem ang magiging pakay ng huling dalaw ni Jesus dito. Alamin sa ebanghelyo ni Lukas kung ano ang mga sentimyento ni Jesus sa Templo.
  3. Sa ebanghelyo ni Lukas, ang Jerusalem ay lugar ng kaligtasan; magiging mahalaga ang lugar na ito lalo na para sa mga huling araw ni Jesus at sa mga araw ng kanyang muling pagkabuhay sa piling ng mga alagad. Alamin kung paanong binibigyan ng diin ni Lukas ang kahalagahan ng Jerusalem para kay Jesus at sa kanyang mga alagad.
  4. Sa ebanghelyo ni Lukas, madalas na makikita si Jesus na nakikipag-usap sa mga guro ng Judaismo. Alamin kung saan mga talata makikita na iniimbita si Jesus ng mga Pariseyo upang kausapin at kung anu-ano ang kanilang mga pinag-uusapan.
  5. Natagpuan ni Jose at Maria si Jesus sa Templo. Kung ang bagong Templo ng Diyos ay ang Iglesya, saan matatagpuan si Jesus ngayon?

Leave a Reply

*

AWSOM Powered