Email This Page Email This Page
angfrayle on February 8th, 2009

Kung sa Markos 1:21-28 ay binigyan ng pansin ang makapangyarihang pagtuturo ni Hesus, sa Markos 2:1-12 ay ipinapakita ang kanyang kapangyarihang magpatawad. Pag-aralang maigi ang teksto ng Markos 2:1-12 at alamin kung paanong ipinapakita ito ni Markos.

Ang Teksto

1Makalipas ang ilang araw muling pumasok si Jesus sa Capernaum. Kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay. 2Kaagad na natipon ang maraming tao, anupa’t wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Ipinangaral niya ang salita sa kanila. 3At pumunta sa kaniya ang apat na tao na pasan-pasan ang isang paralitiko. 4Hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kayat binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya. Kanilang inihugos ang higaan na kinararatayan ng paralitiko. 5Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.

6Ang ilang mga guro ng kautusan na nakaupo roon ay nagtatalo-talo sa kani-kanilang sarili: 7Bakit namumusong ng ganito ang taong ito? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?

8Nang matalos ni Jesus sa kaniyang espiritu ang kanilang pagtatalo, sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito? 9Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko: Pinatawad na ang iyong mga kasalanan o tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 10Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, sasabihin ko ito sa kaniya: 11Sinasabi ko sa iyo: Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 12Kaagad na tumindig ang paralitiko at binuhat ang kaniyang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Kaya nga, ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabi: Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!

Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto

  1. Taga-saan si Hesus? Paano siya napapunta sa Capernaum? Kanino siya nakikitira sa Capernaum?
  2. Ano ang sakit ng taong dinala kay Hesus? Sino ang nagdala? Paano nila nadala ang maysakit kay Hesus?
  3. Kaninong pananampalataya ang napansin ni Hesus? Sinasabi bang nanampalataya ang maysakit? (Ano ang sasabihin sa mga taong nagsasabing si Hesus ay nagpapagalling lamang ng mga taong may pananampalataya?)
  4. Ano ang sinabi ni Hesus na hindi nagustuhan ng mga eskriba? Sino ang mga eskriba?
  5. Diyos lamang ang maaaring magpatawad. Tama ba ang nasa isip ng mga eskriba?
  6. Ano ang pruweba ni Hesus na mayroon siyang kapangyarihang magpatawad?
  7. Napagaling ba niya ang maysakit?
  8. Ano ang reaksyon ng mga nakakita ng ginawa ni Hesus?

Pansinin ang mga sumusunod…

  1. Binutas ang bubungan ng bahay kung nasaan si Hesus. Ito ba’y normal na ginagawa nuong mga panahong iyon?
  2. Dito lang ba binanggit ni Markos ang mga eskriba? Saan pa sa kanyang ebanghelyo binabanggit ang mga ito?
  3. Ano ang koneksyon ng kasalanan sa pagka-paralitiko?

Saliksikin ang mga sumusunod

  1. paano ginagawa ang mga bahay sa Palestina ng unang siglo?
  2. sino ang mga eskriba?
  3. ang pangangatwiran ni Hesus sa tt. 9-11

Para sa mas malalim na pagunawa

Basahin ang artikulong matatagpuan http://biblista.albertesmeralda.com/mark2_1-12 dito at pag-aralan ang mga talata sa Lumang Tipan na maaaring nasa likod ng mga salitang ito:

  1. “Isa lamang ang maaaring magpatawad, ang Diyos” (2:7)
  2. “Wala pa kaming nakikitang ganito!” (2:12)

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.