Pagkatapos sabihin ni Jesus na ang mga alagad ay liwanag para sa mundo, ngayon nama’y itinuturo niya kung paano nila mabibigyan ng katuparan ang kanilang misyon na maging liwanag para sa iba. Kahit ang mga Judio ay naniniwalang ang taong makatarungan ay nagiging tanglaw para sa iba dahil isinasalamin sa kanilang buhay ang mga Kautusan ng Diyos. Kaya nga kahit ang mga alagad ni Jesus ay magiging tanglaw din sa iba kung sa kanilang pagtalima sa mga Kautusan ay mas mataas pa ang antas ng kanilang katarungan kesa sa katarungan ng mga eskriba at Pariseo.
Ang Teksto
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya’t sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
21 “Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya’t kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.
25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran.”
27 “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang makikiapid.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
31 “Sinabi rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pakiki-apid, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pakiki-apid.”
33 “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo’y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; 35 o kaya’y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lunsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Dumating ba si Jesus upang ipawalang-bisa ang mga Kautusan?
- Lilipas ba ang mga Kautusan?
- Ano ang itatawag sa mga kasapi ng Kaharian ng Langit na magtuturong napawalang-bisa na ang mga Kautusan?
- Ano naman ang itatawag sa mga kasapi ng Kaharian ng Langit na magtuturong dapat tuparin ang mga Kautusan?
- Sa pagtupad ng mga Kautusan, dapat bang mapatulad tayo sa mga eskriba at Pariseo?
- Paano ayon kay Jesus nalalabag ang batas tungkol sa pagpatay?
- Ano ang dapat gawin sa mga sitwasyon ng pagkakagalit o sama ng loob upang tuparin ang batas?
- Paano ayon kay Jesus nalalabag ang batas tungkol sa pakikiapid?
- Ano ang dapat gawin upang pigilin ang masasamang pita?
- Ano ang kaugnayan ng pakikipag-diborsiyo sa pakikiapid?
- Mabuti ba sa mata ni Jesus ang makipag-asawa sa isang taong nadiborsiyo?
- Ang pagsumpa ba na binabanggit dito ay iyong pagsumpa sa hukuman?
- Ano ang garantiyang ibibigay ng isang Kristiyano tungkol sa katotohanan ng kanyang sinasabi?
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa
Basahin ang pahinang ito (sa Inggles) para sa karagdagang impormasyon.
1. Mahalagang bigyan ng pansin na kahit sa Lumang Tipan ay itinuturo na na ang pagtalima sa kagustuhan ng Diyos na binibigyan ng ekspresyon sa Kautusan ay dapat na nagmumula sa mga pusong umiibig sa Diyos. Kaya nga hindi legalismo kungdi pag-ibig ang katangian ng tamang pagtalima sa Diyos.
2. Binigyang katuparan ni Jesus ang kabuuan ng mga Kautusan ng Diyos nang inako Niya ang parusang kamatayan para sa kasalanan. Ito ay kanyang ginawa sa krus kung kaya’t talaga ngang napalaya na niya silang mga isinilang sa ilalim ng kapangyarihan ng Kautusan (Galatas 4:4). Kaya nga’t para sa mga naging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ang pagtalima sa mga kagustuhan ng Diyos ay hindi na iyong pagtupad ng isang alipin sa utos ng kanyang amo, kungdi ang pagtalima ng isang anak sa kanyang Ama.




[...] This post was mentioned on Twitter by Tavistock Reeves, alesmeralda. alesmeralda said: Ang Pagtalima sa Kalooban ng Diyos (Mateo 5:17-37): Pagkatapos sabihin ni Jesus na ang mga alagad ay liwanag par… http://bit.ly/dXmvVm [...]