Ang Lukas 4:21-30 ang ikalawang bahagi ng salaysay ng pagtataboy kay Jesus sa Nazareth. Ang salaysay ay unang sinulat ni Markos (6:1-6) nguni’t ito’y isinalaysay muli ni Lukas ng mga kakaibang diin. Nais bigyang kasagutan ni Markos ang tanong tungkol sa hindi pagiging “sikat” ni Jesus sa sariling bayan. Sa kanyang salaysay ito’y dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga taga-Nazareth. Nang isalaysay muli ni Lukas ito, alam na ng kanyang mga taga-pakinig na sa Cafarnaum naging kilala si Jesus, at hindi sa sariling bayan. Nguni’t binigyan ng ebanghelista ng panibagong diin ang kwento: ang pagkakataboy kay Jesus sa sariling bayan ay antisipasyon ng mangyayari sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Ang pagpapahayag ng ebanghelyo ay itutuon ni Jesus at ng kanyang mga alagad sa labas ng Israel tungo sa mga pagano.
Ang Teksto
Ang Lukas 4:21-30 ang ikalawang bahagi ng salaysay na inumpisahan nating basahin nuong nakaraang Linggo (ikatlong Linggo, C). Ang talata mula sa Isaiah 61:1-2 ay sinabi ni Jesus na nagaganap na habang siya’y pinapakinggan ng mga taga-Nazareth. Ang talatang iyon na tumutukoy sa Panahon ng Pagpapakita ng Kagandahang-Loob ng Diyos ay tama lamang na naisin ng mga kababayan ni Jesus. Nguni’t sa pananalita ni Jesus, sinabi niyang ang “panahong” iyon ay para sa mga hindi Israelita. Dalawang halimbawa ang kanyang binanggit: isa mula kay Elias, at isa mula kay Eliseo. Dahil dito ay halos patayin ng mga taga-Nazareth si Jesus.
21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”
22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.
23 Kaya’t sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain.
26
Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon.
27
Sa dinami- dami ng mga may ketong b sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”
28
Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito.
29
Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Mga Katanungan Tungkol sa Teksto
- Ano ang talatang tinutukoy ni Jesus na nagaganap na?
- Ano ang tinatalakay sa talatang nasabi?
- Tama ba na naisin ng mga taga-Nazareth na maganap sa kanila ang nilalaman ng mga talatang iyon?
- Paanong binigyan ng ekspresyon ang pagnanasang ito ng mga taga-Nazareth? Ano ang kahulugan ng kasabihang “Doktor, pagalingin mo ang iyong sarili.”
- Ayon sa mga salita ni Jesus, naunawaan ba ng mga taga-Nazareth na ang mga himalang ginawa ni Jesus sa Cafarnaum ay katuparan ng Isaiah 61:1-2?
- Anong mga halimbawa ang ginamit ni Jesus upang sabihing ang “panahong” iyon ay hindi para sa kanyang mga kababayan? Sino si Elias? Sino si Eliseo? Saan makikita ang mga kwento tungkol sa kanila? Ano ang kanilang ginawa na tinukoy ni Jesus? Sa mga halimbawang ito ba’y nakinabang ang mga kababayan ni Elias at Eliseo sa kanilang mga ginawang himala?
- Ano ang naging reaksyon ng mga kababayan ni Jesus?
- Ano ang kanilang naging mga hakbang upang ipakitang ayaw nila sa tinuran ni Jesus?
- May nangyari ba kay Jesus?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ihambing ang salaysay na ito sa katulad na salaysay sa ebanghelyo ni Markos (6:1-6). Pansinin ang pagkakaiba sa dalawang salaysay. Ano ang binibigyan ng diin ni Markos? Ni Lukas?
2. Ang pagtataboy kay Jesus sa labas ng bayan ay katulad ng isinasaad sa Gawa 7, 57 o “sa labas ng ubasan” ng Lukas 20:15 (Basahin ang konteksto ng mga talatang ito). Ito’y antisipasyon ng pagkamatay ni Jesus.




Leave a Reply