Sa ika-apat ng Linggo ng Cuaresma ay ipinababasa sa atin ang isang sipi mula sa Juan 3:14-21. Sa lathalaing ito ay makikita kung paanong nahahati ang mga talata ng Juan 3:1-21 at ang mga salitang-susi ng bawa’t bahagi. Ang tt. 14-21 ay mauunawaan sa kontekstong binubuo ng 9-21. Ang kabuuan ng Juan 3 ay tungkol sa buhay ng Kristiyano na natanggap sa tubig at kapangyarihan ng Espiritu. Kung kaya’t mauunawaan din ito sa tulong ng mga simbolo sa rito ng binyag: ang tubig, ang liwanag ng kandila, ang pagpapahid ng langis at ang bagong kasuotan.
Ang Teksto
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo:
14Kung papaanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng Tao. 15Ito ay upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17Hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
18Ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan. Ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na sapagkat siya ay hindi sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Diyos. 19Ito ang hatol: Ang ilaw ay dumating sa sanlibutan at mas inibig pa ng tao ang kadiliman kaysa sa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama. 20Ito ay sa kadahilanang ang bawat gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag. Hindi siya lumalapit sa liwanag upang hindi mabisto ang kaniyang mga gawa. 21Siya na nagsasagawa ng katotohanan ay pumupunta sa ilaw upang maihayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Diyos.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Sino si Nicodemo? Anong oras dumating si Nicodemo upang makipag-usap kay Hesus?
- Kailan itinaas ni Moyses sa ilang ang Ahas? Ano ang nangyari nang itaas niya ang Ahas? Bakit itinaas niya ang Ahas? Ano ba ang nangyari’y kinailangang itaas ang Ahas? May kaugnayan ba ang pagtataas ng Ahas sa mga gawi ng gawi ng Israelita?
- Ano ang tinutukoy ni Hesus sa pagtataas ng Anak ng Tao? Ito ba ay may kaugnayan sa Kanyang pagbaba mula sa langit?
- Ang mga sinasabi ba ni Hesus dito ay may kaugnayan sa sinulat ni Juan tungkol sa Salita ng Diyos (tingnan ang Juan 1)?
- Sino ang Anak na sinugo ng Diyos?
- Ano ang dahilang ibinigay ni Hesus sa pagsusugo ng Diyos sa kanyang Anak?
- Siya ba ay pumunta sa mundo upang maging hukom nito?
- Ang kahatulan ba ay para sa mga sumasampalataya?
- Paanong mahahatulan ang isang tao?
- Ano ang Ilaw na binabanggit sa t. 19?
- Bakit ayaw sa liwanag ng mga gumagawa ng masama?
- Sino ang lumalapit sa liwanag? Saan nagmumula ang kanyang lakas ng loob na lumapit sa liwanag?
Para sa pagunawa ng teksto
Dapat tandaan ang mga sumusunod:
1. Sa ebanghelyo ni Juan, may dalawang pook: ang lugar ng Diyos (sa itaas) at ang lugar ng tao (sa ibaba). “Sa itaas” ay nanduon ang Liwanag, Buhay, Katotohanan; “Sa ibaba” naman ay ang mga kabaligtaran nito — ang Karimlan, Kamatayan, Kasinungalingan. Kaya nga’t pansinin na kapag sinabing “isinugo ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak” ito’y pagsusugo mula “sa itaas” pababa. At kapag sinabing “itataas ang Anak ng Tao” ang galaw ay mula “sa ibaba” paitaas.
2. Mahilig sa mga kontrasto ang may-akda ng ebanghelyong binabasa natin kung kaya’t dapat bigyan ng atensyon ang mga ito: “liwanag — dilim; taas — baba; paghatol — pagsasawalang-sala.” Kung hindi binabanggit ang kabaligtaran ng isang salita, kailangang alamin sa konteksto kung kinakailangang intindihing kasama ang kabaligtaran.
3. Ang may-akda ay mahilig din sa mga pariralang may dalawang ibig sabihin. Dito ang kilalang-kilala ay ang talatang “ipanganak muli”. Sa Griyego ito ang salitang “ana” na maaaring mangahulugang “muli” o “mula sa itaas”
Para sa mas malalim na pagunawa ng teksto
Basahin ang mga lathalain tungkol sa mga talata ng Juan 3:1-21 na matatagpuan dito. Huwag ding kaligtaan ang mga sinasabi ni Juan Bautista tungkol sa nabalitang pagbabautismo ni Hesus sa mga sumusunod na talata mula t. 22-30 at ang komentaryo dito ni Juan Ebanghelista (tt. 31-36). Mula sa mga huling talatang ito ay mauunawaang ang pinag-uusapan ni Jesus at ni Nicodemo ay ang buhay ng mga Kristiyano na nagmula sa tubig, Espiritu at dugo ni Kristo (cf. 1 John 5:6).




One Response to “Ang Pagtataas ng Anak ng Tao (Juan 3:14-21)”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply