Para sa unang Linggo ng Cuaresma, ipinababasa sa atin ng Iglesya ang salaysay tungkol sa Panunukso ng Diyablo kay Jesus sa Ilang. Noong tayo’y binyagan, nanumpa tayong hindi kailanman magpapasailalim ng kapangyarihan ng Diyablo. Tatlong beses nating isinumpa na itatakwil natin ang Diyablo ang kanyang mga gawa at kasinungalingan. Dahil dito’y tinatawag na “agonia Christiana” ang buhay ng isang Kristiyano. Ito ang ipinapaalala sa atin ng pagbasa sa Ebanghelyo sa Linggong ito.
Ang Teksto ng Lukas 4:1-13
1 Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 sa loob ng apatnapung araw, at doon siya’y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya’t siya’y nagutom.
3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”
4 Ngunit sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao’y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.’
5 Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa ilang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. 6 Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito. Ipinagkaloob ito sa akin, at maibibigay ko sa kaninumang naisin ko. 7 Kaya’t kung ako’y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito.”
8 Sumagot si Jesus, “Nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’ “9 Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika’y itatagubilin,
sila’y uutusan upang ikaw ay ingatan,’11 at
‘Sa kanilang mga kamay, ika’y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo’y hindi masasaktan.’”12 Subalit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!’”
13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.
Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto
- Saan nanggaling si Jesus? Ano ang ginawa niya roon? Papaano siya napuspos ng Espiritu Santo? Paano siya nakarating sa ilang? Saan ba ang ilang na iyon?
- Ano ang ginawa niya sa ilang? Ano ba ang ilang sa Bibliya? Gaano katagal si Jesus sa ilang? Ano ang nangyari sa kanya doon? Paano siya nagutom?
- Ayon sa salaysay, paano hinamon ng Diyablo si Jesus? Anu-ano ang sinabi ng Diyablo kay Jesus? Paano sinagot ni Jesus ang bawa’t sabihin ng Diyablo?
- Tatlong beses lang ba tinukso ng Diyablo si Jesus? Mayroon bang talata sa salaysay na nagsassabing babalikan ng Diyablo si Jesus? Kailan nangyari iyon?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ihambing ang talata ng Lukas 4:1-13 sa Matteo 4:1-11 at Markos 1:12-13. Ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba?
2. Alamin ang kahalagahan ng mga lugar na sumusunod sa ebanghelyo ni Lukas at sa iba pang ebanghelyo
- ilang
- Jerusalem
- mataas na lugar
- ang Shema yisrael
3. Gamitin ang mga pantulong ng iyong salin ng Bibliya upang alamin kung anong mga talata ng Bibliya ang ginamit ni Jesus at ng Diyablo sa kanilang pagtutuos. Unawain sa konteksto ang mga talatang ito.





Leave a Reply