"Ibigay kay Cesar ang kay Cesar; ibigay sa Diyos ang para sa Diyos" Ang Iglesya, bagaman nasa mundo ay hindi naman mula sa mundo. Nasabi na ni Hesus sa kanyang mga alagad na sila’y hindi maaaring magsilbi sa dalawang panginoon, pagka’t mamahalin nila ang isa nguni’t kamumuhian naman ang isa pa. Ang tanong ng mga Fariseo at mga maka-Herodes para kay Hesus ay para sa ikasisira nitong huli. Ang katanungang iyon ay para rin sa Iglesya: Paano mo ibibigay kay Cesar ang para kay Cesar nang hindi tumatalikod sa Diyos? Paano mo ibibigay sa Diyos ang para sa Diyos samantalang nanatiling makabayan?
Ang Teksto
Ihambing ang tekstong nasa ibaba sa tekstong matatagpuan sa iyong salin. Gumawa ng Daloy ng mga Parirala base sa iyong teksto.
15Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita. 16Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis o hindi?
18Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpakunwari? 19Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?
21Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.
Sinabi niya sa kanila: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.22Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.
Bigyan ng Pansin ang mga Sumusunod
- Ano ang dahilan at umalis ang mga Fariseo? Ano ang yugtong nauna dito?
- Sino ang mga maka-Herodes ("mga tauhan ni Herodes")? Kung sila ay isang partidong pampulitiko lang, ano ang interes nila sa mga usaping ito?
- Bukal ba ang sinabi ng mga alagad ng mga Fariseo at ni Herodes kay Hesus? Ipaliwanag ang iyong sagot.
- Ano ang katanungan nila kay Hesus? Paano masasabing ito ay paraan para "mahuli si Hesus sa pananalita"?
- Paano sinagot ni Hesus ang katanungan? Ipaliwanag ang bawa’t yugto ng kanyang sagot.
- Ano ang halaga ng isang denaryo? Ito ba ay katulad ng ating piso?
- Kung wawariin mo ang kabuuan ng kwento, anong kasabihan dito ang nais ni Mateo na matandaan natin?
- Ano ang kahulugan ng kasabihang iyon?
Para Sa Mas Malalim na Pagunawa sa Teksto
- Ano ba ang sitwasyon ng Palestina nuong unang siglo at maaaring maging katanungang panrelihiyon ang pagbabayad ng buwis?
- Basahing muli ang mga yugtong nauna sa Mateo 22:15-22. Ano ang "ganang sa Diyos" na makikita sa mga talinghaga ni Hesus?
- Kung uunawain ang paguusap tungkol sa buwis sa loob ng kontekstong binubuo ng mga naunang talinghaga ni Hesus, ano talaga ang nais ipaabot ni Mateo sa bahaging ito ng kanyang ebanghelyo? Sa Mateo 22:15-22 ba ay mayroong "separation of Church and State?"


One Response to “Ang Pakikitungo Kay Cesar at sa Diyos”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply