Sa sakramento ng binyag, ang Kristiyano ay ginawang "anak ng Diyos". Ayon nga kay Pablo, siya’y ay binigyan ng karapatang tumawag sa Ama tulad ng pagtawag ni Jesus: "Abba". Tulad ni Jesus, ang Kristiyano ay binigyan din ng kakayahang makipag-ugnayan sa Abba dahil sa Espiritu Santo na ibinuhos sa kanyang puso (Galatians 4:6). Bukod pa rito ay itinuro pa ng Panginoon ang kanyang panalangin sa Abba upang kahit ang kanyang mga alagad ay matutong manalangin ng may lakas ng loob, tiwala at tiyaga.
Ang Teksto ng Lukas 11:1-13
1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya’y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo’y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa’y maghari ka sa amin.
3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinapatawad namin ang nagkakautang sa amin.
At huwag mo kaming hayaan sa Malaking Pagsubok.’"
5 Sinabi pa rin niya sa kanila,
"Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo’y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng iyong kailangan.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito.
9 Kaya’t sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makakatagpo; kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito’y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!"
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Ano ang hiling ng mga alagad kay Jesus?
- Kailan sila humiling?
- Ano ang dahilan at sila ay humiling?
- Sa panalangin, ano ang itinatawag ng alagad sa Ama sa langit?
- Ano ang dapat mangyari sa ngalan ng Ama?
- Ano ang dapat na hindi mangyari sa ngalan ng Ama?
- Sa anong mga dahilan nalalapastangan ang ngalan ng Diyos?
- Kung Diyos ang maghahari, mayroon pa bang kasamaan?
- Ganap na bang naghahari ang Diyos? Anu-ano ang tanda ng kanyang paghahari? Saan naghahari ang Diyos? Kailan magiging ganap ang paghahari ng Diyos?
- Ang pagkain ba ay nabibili lamang ng pera? Paano nagkakaroon ng makakain ang tao? Sa tinapay lang ba nabubuhay ang tao?
- Nagpapatawad ba ang Diyos sa mga taong hindi marunong magpatawad? Anong mga talinghaga ni Jesus ang iyong naaalala na ganito ang tema?
- Ano ang Malaking Pagsubok?
- Paano dapat manalangin? Dapat bang maging mahiyain ang nanghihingi sa Diyos?
- Kung parang hindi nakikinig ang Diyos, dapat na bang tumigil sa pananalangin?
- Ano ang dahilan at dapat malakas ang loob nating humingi sa Ama?
- Nahihingi ba sa Ama ang Banal na Espiritu?
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Tungkol sa panalangin ni Jesus
(a) Maiksi ang panalangin ng Panginoon sa ebanghelyo ni Lukas. Ayon sa mga eksperto, ito ang orihinal na panalangin na isinaayos para sa gamit pang-liturhiko. Itong huli ang makikita sa Mateo na ginagamit natin magpahangga ngayon.
(b) Ang salitang "Ama" sa bibig ni Jesus ay "Abba" (tingnan, Galatians 4:6;Romans 8:15). Ito ang tawag ng mga bata sa kani-kanilang tatay. Sa Inggles ang katumbas nito ay "Dad" o "Papa" (kung Kinastila). Ang pagtawag na ito ng isang nananalangin sa Diyos ay kay Jesus lamang makikita.
2. Tungkol sa talinghaga ng kaibigang nanghihingi ng pagkain sa gabi
(a) Ang tahanan ng ordinaryong Judio ay binubuo ng isang kwarto na nagsisilbing kainan sa araw at tulugan sa gabi. Kapag ang mga tao sa bahay ay nakahiga na’t natutulog malaking kaabalahan ang manggising upang humingi ng kahit ano. Upang makaabot ang ginising sa pintuan, kailangang tumawid sa ibabaw ng mga natutulog na.
(b) Ang talata 8 ay maaaring isalin ng ganito:
3. Tungkol sa tt. 11-13
(a) Idinidiin ni Jesus dito na walang ama sa lupa ang hihigit ang kabutihan sa Abba, kung kaya naman makakahingi tayo sa Kanya at alam nating hindi tayo mabibigo.
(b) Sa tt. 11-13 ay sinasabi rin ni Jesus na maaari nating hingin ang Banal na Espiritu at siya ay ibibigay sa atin.



