Sa ikatlong Linggo ng Adbiyento, ang tema ng liturhiya ay tungkol sa “isang nasa inyong gitna na hindi ninyo nakikilala”. Nguni’t siya’y ipapakilala ni Juan Bautista sa mga alagad sa tawag na “Kordero ng Diyos.” Kung kaya naman ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na “Linggo ng Tuwa”. At sino nga ba naman ang hindi matutuwa sa paglapit ng Panginoon?
Ang Teksto
Pansining maigi na ayon sa mga tala ng pagbasa ang sipi na babasahin mula sa Ebanghelyo ni Juan sa araw na ito ay mula sa Juan 1:6-8 at 19-28. Ibig sabihi’y may mga nilaktawang talata mula sa unang kabanata ni Juan at hindi magkakasunod ang mga talatang matatagpuan sa leksyonaryo. Upang maunawaang mabuti ang pagbasa sa leksyonaryo, kailangang unawain ito sa loob ng kanyang konteksto.
- Buksan ang iyong bibliya sa Juan 1 at markahan ang mga talatang 6-8 at 19-28.
- Basahin muna ang kabuuan ng Juan 1 na walang ibang laman kundi ang pangkalahatang laman ng ebanghelyo
- Pag-aralan ang mga bahagi ng Juan 1 (sa pamamagitan ng Daloy ng mga Parirala) at alamin kung saan bahagi bumabagsak ang mga talatang ipinababasa sa liturhiya.
Sa pagbasa ng Juan 1, subukang sagutin ang mga sumusunod na tanong
Ang Juan 1:1-51: Ang Malapit ng Konteksto ng Juan 1:6-9.19-28
- Ano ang sa umpisa’y nanduon na?
- Ano ang kaugnayan nito sa Diyos?
- Ano ang kaugnayan nito sa sangnilikha?
- Anong talata sa Luman Tipan ang naaalala mo pagkabasa ng Juan 1:3?
- Ano ang matatagpuan duon sa sa umpisa’y nanduon na?
- Ano ang kaugnayan nito sa mga tao?
- Sino ang nagpapatotoo sa liwanag ng Salita?
- Si Juan Bautista ba ang Liwanag?
- Ang Salita (Verbo) ba ay binibigkas?
- Paano malalaman sa tekstong ito ni Juan na ang Salita’y hindi iyong nakasulat?
- Saan nagmula ang Salitang ito?
- Anong luwalhati meron siya?
- Paanong ipinakilala ni Juan ang Salitang ito?
- Sino ang mga naunang sumunod sa ipinakilala ni Juan?
- Paano nila nakilala ang Salitang nagkatawang tao?
Para sa Pag-aaral ng Teksto
Pagkatapos na mapag-aralan ang kabuuan ng Juan 1:1-51, balikan ang mga talatang 6-8 at 19-28
- Mapapansin na bago pa naging testigo ng Salita ang mga alagad at apostoles, si Juan Bautista “Ang Testigo” ng Salitang nagkatawang tao. Ang temang ito ay matatagpuan sa mga talata 6-8 at 19-28.
- Ang talata 6-8 ay nagpapatuloy sa tt. 15 (ang tt. 16-18 ay komento ng ebanghelista)
- Sa talata 19-28 ay binibigyang-diin ng ebanghelista ang patotoo ni Juan. Pansinin ang mga bagay na pinahihihindian ni Juan.
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa sa Teksto
Isang maling paraan sa pagbabasa ng mga Kasulatan ay basahin ito na para bang nuon mo lamang siya nabasa, na wari bang ito’y hindi mo pa nabasa o narinig man lamang. Kaya nga’t sa pagbabasa ng tekstong ito ni Juan, hindi dapat kinakalimutan na mayroon na rin tayong narinig o nabasa tungkol kay Juan Bautista sa ibang ebanghelyo, kailan lang o nuong isang taon. Kaya nga sa pagbabasa ng mga talatang bigay ni Juan, kailangan pa ring sariwain sa ating mga alaala ang mga alam na natin kay Juan Bautista.
- Ano ba ang nabasa mo tungkol sa patotoo ni Juan nuong isang linggo?
- Ano ang kaugnayan ng mga sinasabi ni Juan tungkol sa darating na kasunod niya dito kay Juan at duon sa nakasulat sa MarkHosea 1:1-8 na nabasa natin nuong nakaraang linggo?
- Si Markos ay isang ebanghelista. Si Juan na sumulat ng ebanghelyong ating binabasa ay isang apostol na manunulat. Ano ang mga bagong bagay na isinulat niya tungkol sa patotoo ng Bautista? (Ihambing din ang mga nasasaad sa mga sulat nina Mateo at Lukas)
Isa pang maling pagbasa sa Kasulatan ay yaong pagbasang hindi pinapansin ang konteksto. Nagawa na natin ang pagbabasa sa konteksto (tingnan ang nasa itaas). Ngayon nama’y kailangan tingnan ang ilang mga sinasabi ng Bautista sa loob ng kabuuan ng Juan 1:1-51
- May binanggit si Juan na “isang nasa gitna ninyo na hindi ninyo nakikilala”. Sino ito? Paano siya ipinakilala ni Juan?
- Ang pagpapakilala ba ni Juan “sa isang nasa gitna ninyo na hindi ninyo nakikilala”, saan ito naririnig? Ano ang kaugnayan ng sinasabi ng pari sa misa na “Ito ang Kordero ng Diyos” sa pagpapakilalang ginawa ni Juan Bautista?
- Kung ang “Kordero ng Diyos” ay siya ring “Verbo na nagkatawang tao” at “Liwanag na sumisinag sa lahat ng tao”, ano ang kahalagahan ng patotoo ni Juan Bautista tungkol kay Hesus para sa Iglesya natin ngayon?




Leave a Reply