Pagkatapos ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus (Markos 9:2-8) at maihayag na hindi pa handa ang mga alagad na gawin ang mga ginagawa ni Hesus (cf. Markos 9:19 ) tumuloy sila patungong Cafernaum. Habang nasa daan ay itinuro muli ni Hesus sa mga alagad ang tungkol sa mangyayari sa kanya kapag siya’y ipagkakanulo na. At habang nasa daan di’y pinagtalunan ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Sa Cafernaum ay tuturuan muli sila ni Hesus tungkol sa pagiging dakila.
Iba ang kalipikasyon sa pagkadakila sa sambahayan ni Hesus sapagka’t sa kanyang pamilya walang puwang ang inggitan, pagmamayabang at pagkamakasarili (cf. Santiago 3:16-4:3)
Ang Teksto
Gawan ng balangkas ang sumusunod na salaysay pagkatapos na magawa ang Daloy ng Parirala para dito.
30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya’y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35 Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36 Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 “Ang sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan nanggaling si Hesus sa tagpong ito? Sino ang kanyang mga kasama?
- Ano ang ayaw ipaalam ni Hesus? Kanino ito ayaw ipaalam ni Hesus? Ano ba ang kanyang ginagawa noon?
- Ano ang itinuturo ni Hesus? Kanino siya nagtuturo?
- Sino ang ipagkakanulo? Kanino ipagkakanulo? Ano ang gagawin ng mga tao? Naganap ba ang sinasabing ito ni Hesus? Pang-ilang beses na niyang sinabi ang mga bagay na ito?
- Naunawaan ba ng mga alagad ang itinuturo ni Hesus?
- Nagtanong ba sila? Ipaliwanag ang sagot.
- Saan natapos ang paglalakad ni Hesus at kanyang mga kasama?
- Kaninong bahay kaya ang pinasukan ni Hesus?
- Ano ang itinanong ni Hesus sa mga alagad?
- Sumagot ba ang mga alagad? Ipaliwanag ang iyong sagot.
- Ang katahimikan ba ng mga alagad sa bahay ay may kaugnayan sa kanilang hindi pagtatanong habang sila’y tinuturuan sa daan?
- Kailan tinawag ni Hesus ang Labindalawa?
- Ano ang kanyang sinabi? Sa mga talatang ito, anu-ano ang mga turo ni Hesus?
- Ayon kay Hesus, ano ang kalipikasyon ng nagnanais maging dakila? Ito rin ba ang kalipikasyon ng mga nagnanais maging dakila sa labas ng grupo ni Hesus? Saang talata matatagpuan ang sagot mo?
- Pagkatapos sabihin ni Hesus ang mga kalipikasyon ng mga dakila, ano ang kanyang ginawa?
- Ano ang ginawa niya sa isang bata?
- Ano ang kaugnayan ng bata sa tema ng pinakadakila?
- Anong uri ng pagtanggap ang ipinapahiwatig ni Hesus?
- Sino ang tinatanggap kapag tumanggap ng isang bata?
- Sino ang tinatanggap kapag tinanggap si Hesus?
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang konteksto ng 9:30-37 mula sa 8:27 at alamin kung ano ang kaugnayan ng 8:31-38 sa tema ng
(a) Pinakadakila
(b) Pagtanggap kay Hesus
2. Ihambing ang 9:30-37 sa mga sumusunod na talata:
(a) Markos 10:32-34
(b) Markos 10:35-45
3. Ilang mga bagay tungkol sa kultura ng mga Hudyo:
(a) Ang pagsisikreto ay may kaugnayan sa mga bagay na kinahihiyan. Ang tinatawag na “Messianic Secret” — ang pagpapatahimik ni Hesus tungkol sa kanyang tunay na pagkatao — ay hindi dahil sa hiya kungdi pamamaraang pedagohiko. Ang pagsisikreto ng mga alagad — ang kanilang pagtahimik tungkol sa kanilang pinagtatalunan habang nasa daan — ay dahil sa pagkakahiya. Bakit kaya sila nagtatalo tungkol sa pinakadakila? Hindi kaya dahil pinag-uusapan nila kung sino ang papalit kay Hesus kapag siya’y namatay na?
(b) Ang isang bata ay wala pang responsabilidad kung kaya’t siya’y tinuturing na wala ring karapatan. Ano ang wala sa isang bata? Kasarinlan. Trabaho. Kayamanan. Mga nagampanan na. Ang bata ay wala niyong mga kalipikasyon na maaaring maituturing na may kaugnayan sa kadakilaan. Ang bata ang utusan ng kanyang nanay at tatay. Ang batang tulad nito ang kinuha ni Hesus, pinatayo sa gitna upang maging tampulan ng pansin at niyakap pa at itinukoy na halimbawa ng kadakilaan.




Leave a Reply