Email This Page Email This Page
angfrayle on June 21st, 2009

Mahirap ang buhay ng isang saksi ni Kristo. Sa mga pagbabasa ng ika-14 na Linggo ng Panahong May-Bilang, ipinapakita sa pamamagitan ng isang talata kay Ezekiel at isa mula kay San Pablo na ang naglilingkod na tagapagsalita ng Panginoon ay hindi katanggap-tanggap sa mga taong ayaw tumalima sa Diyos. Ngunit ang mga ito’y hindi pinababayaan sa kanilang kahinaan. “Ang aking grasya ay sapat na para sa iyo” sabi ng Panginoon kay Pablo, kung kaya naman itong huli ay hindi natatakot tumanggap ng paghihirap sa gawaing tinanggap mula sa Panginoon.

Sa salaysaying mababasa sa Markos 6:1-6, ipinapakitang kahit si Hesus ay nahirapan sa kanyang gawain. Mahirap man ang maging propeta, ito ay hindi naman dahilan upang ang propeta ay tumigil sa pagtupad ng kanyang gawain.

Ang Teksto

Pagkatapos gawan ng Daloy ng mga Parirala ang salaysay ni Markos, ihambing ang saling ito mula sa “Ang Salita ng Diyos” sa saling hawak mo.

1Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling lalawigan. Sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad. 2Nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Ang maraming nakarinig ay nanggilalas. Sinasabi nila: Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya? 3Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae? Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila.

4Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: Ang isang propeta ay may karangalan maliban sa sarili niyang bayan, kamag-anak at sambahayan. 5Si Jesus ay hindi makagawa roon ng himala maliban lamang sa iilang maysakit. Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang kamay at sila ay pinagaling. 6Namangha siya dahil sa kanilang di-pananampalataya. Gayunman pumunta siya sa mga nayon at nagturo roon.

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  1. Saan nagmula si Hesus bago maganap ang salaysaying ito?
  2. Saan siya nagpunta? Ano ang pangalan ng lugar?
  3. Mayroon ba siyang mga kasama? Sino ang mga ito?
  4. Anong araw siya nagsimulang magturo doon? Saang lugar siya nagturo? Ito ba ay madalas niyang ginagawa?
  5. Ano ang reaksyon sa kanya ng kanyang mga tagapakinig?
  6. Sa pagkakasulat ni Markos, anu-anong komento ang namutawi sa labi ng mga nakikinig?
  7. Sa anong mga taguri kilala si Hesus ng mga taga-Nazaret?
  8. Ang katawagan bang “anak ni [pangalan ng ina]” ay maganda? Sa isang lugar at panahon na ang isang tao ay tinatawag na “[Ngalan] anak ni [pangalang ng ama]“, ano ang ibig sabihin ng “anak ni Maria”?
  9. May mga kapatid na lalaki at babae ba si Hesus? Ano ang pruweba na siya’y nag-iisang anak?
  10. Sa dulo ng t.3, ang salin ng “Ang Salita ng Diyos” ay “Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila”. Ano ang nakalagay sa iyong salin? Ano ang ibig sabihin ng “natisod” sa talatang ito?

  11. Ang mga salita ba ni Hesus sa t. 4 ay isang hatol sa kanyang mga kababayan? Kanino niya sinabi ito, sa mga kababayan ba o sa kanyang mga alagad?
  12. Ano ang ikinamangha ni Hesus sa kanyang mga kababayan?
  13. Ito ba ay pumigil sa kanya na gumawa ng mga himala roon?
  14. Ano ang ginawa niya sa mga maysakit?
  15. Wala ba siyang napagaling?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Pansinin ang mga talata pagkatapos ng salaysay sa Markos 6:1-6. Ano ang tema ng sumusunod na mga kwento? Mahihinuha ba sa mga kwentong sumusunod kung bakit kailangang sumama ang mga alagad kay Hesus?

2. Hindi makagawa ng maraming himala si Hesus sa Nazaret dahil sa kakulangan ng pananampalataya. Ang kagila-gilalas na gawa na walang pananampalataya ay tinatawag na “salamangka” (magic), at hindi “himala”. Ang salitang “himala” ay pagsasalin ng isang ekspresyong Griyego na gumagamit ng salitang “dunamis” (kapangyarihan) na ginamit ni Markos sa salaysay tungkol sa pagpapagaling sa babaeng dinadaluyan ng dugo. Sinasabi duon na naramdaman ni Hesus ang paglabas ng kapangyarihan (dunamis) sa kanyang katawan ng hipuin siya ng babae. Ang ekspresyong ginamit ni Markos dito ay katulad ng mga ekspresyong nagsasalarawan sa mga gawang kagilagilalas ni Yahweh.

3. Basahin ang artikulong ito tungkol sa ilang mga mahahalagang salita sa salaysay ni Markos.

2 Responses to “Ang Propetang Walang Karangalan (Markos 6:1-6)”

Trackbacks/Pingbacks

  1. The Prophet in his Own Country (Mark 6:1-6)
  2. Daily Inspirations » Items for the 14th, 15th and 16th Sundays of OT, Year B

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.