Galacia: del Norte o del Sur?
Ang Galacia ay hindi isang siyudad kungdi — katulad ng ating NCR — ay binubuo ng iba’t ibang mga siyudad. Ang Galacia sa orihinal na pagkakaturing ay binubuo ng mga siyudad sa kaloob-loobang bahagi ng Asia Minor, tulad ng Ancyra (ngayon ay Turkey), Pessinus at Tavium. Nguni’t nuong 25 AD, idinagdag ng Imperyo Romano sa probinsya ng Galacia ang mga siyudad sa katimugan nito — Derbe, Pisidia at Lycaonia. Sino ba ang mga sinusulatan ni Pablo sa "Sulat sa mga Taga-Galacia?" Ang mga orihinal na "Galacia" ba o ang mga nasa Iglesya ng Galacia del Sur? Mahalaga ang sagot sa katanungang ito dahil kaugnay sa tugon ang datasyon ng sulat. Ang mga siyudad sa Galacia del Sur ay dinalaw ni Pablo sa kanyang unang biyahe (Gawa 13:13-14:27); samantalang ang mga siyudad sa orihinal na Galacia ay pinuntahan ni Pablo sa kanyang ikalawa’t ikatlong biyahe (Gawa 16:6; 18:23). Mapapansin na hati ang opinyon ng mga eksperto sa katanungang ito: ang salin ng NAB ay pumapanig sa mga nagsasabing sumulat si Pablo sa Galacia del Sur; ang JB naman ay para sa orihinal na Galacia.
Bakit Sumulat si San Pablo?
Bagama’t mahirap siguruhin kung sino ang orihinal na tagabasa ng Sulat sa mga taga-Galacia, malinaw naman ang dahilan kung bakit sumulat sa kanila si Pablo.
1. May mga nagpapakilalang sugo na nagsasabing kailangang tanggapin ng mga Kristiyano ng Galacia ang Batas ni Moyses.
2. Sinasabi ng mga sugong ito na si Pablo ay hindi apostol (na sa isang banda ay totoo naman dahil hindi naman siya kabilang sa labingdalawa), at hindi kinikilala sa Jerusalem ang kanyang ebanghelyo. Isang pruweba ng mga ito ay ang pangyayari sa Antiochia na kung saan si Pedro at Barnabas ay nagpakitang hindi sila kapanig ni Pablo.
Sa katawan ng kanyang sulat ay ipapakita ni Pablo na
(a) walang kamaliang nakita ang mga pinunong nasa Jerusalem sa kanyang ebanghelyo, bagkus ay
(b) ipinahuntulot pa nilang siya ang magpahayag ng ebanghelyo sa mga Hentil
Balangkas ng Sulat
Ang sulat sa mga taga-Galacia ay may sumusunod na balangkas
- 1:1-5 — Pambungad
- 1:6-6:17 — Katawan ng Sulat
- Ang Pagiging Apostol ni Pablo (1:6-2:10)
Korolaryo: Ang Talagang Nangyari sa Antiochia (2:11-15) - Ang Ebanghelyo ni Pablo (2:15-4:31)
- Ang Pagsasabuhay ng Ebanghelyo (5:1-6:10)
Mga Karagdagang Payo (6:11-17)
- Ang Pagiging Apostol ni Pablo (1:6-2:10)
- 6:18 — Pagtatapos
Mapapansin agad na iba ang pagkakasulat ng Sulat sa mga taga-Galacia sapagka’t una, walang Pasasalamat at hindi rin binabanggit ni Pablo ang mga pagbati ng mga kasamang manggagawa.
Mga Dapat Bigyan ng Pansin
1. Sa Galatians 2:1-10 ay binanggit ni Pablo ang isang dalaw sa Jerusalem upang konsultahin ang mga pinunong apostol tungkol sa turo na kailangang yakapin ng mga Hentil ang Batas ni Moyses bilang sine qua non ng buhay Kristiyano. Ang pagpupulong na naganap ay ang Konsilyo ng Jerusalem na isinalaysay ni Lukas sa Gawa 15.
2. Ang pagpapaliwanag ni Pablo tungkol sa nangyari sa kanilang dalawa ni Pedro sa Antiochia (Galatians 2:11-14) ay matatagpuan lamang sa Sulat sa mga taga-Galatas. Sa madaling sabi, ang panig lamang ni Pablo ang ating alam tungkol sa kaganapang iyon; hindi natin alam ang panig ni Pedro at ni Barnabas. Ikalawa, ang tinuran ni Pedro sa kaganapang iyon ay mauunawaan lamang kung ang sulat ng mga apostol na binabanggit sa Gawa 15:22-29 ay hindi pa naipapadala.
3. Ang Galatians 3:6-18 ay dapat basahin na isang buong paliwanag tungkol sa katuparan ng Genesis 12:3 "At ang mga Hentil ay pagpapalain sa pamamagitan mo (Abraham)". Ang pangakong ito ay natupad dahilan kay Kristo na siya ring tinutukoy na "binhi" sa Genesis 12:7 ("Sa iyong binhi ay ibibigay ang lupaing ito", cf. Galatians 3:16)
4. Ang Gal 3:19-4:7 ay paliwanag tungkol sa lugar ng Batas ni Moyses sa kabuuan ng Kasaysayan ng Kaligtasan. Ayon kay Pablo ang "Batas" ay tagapag-alaga (paedagogue) ng isang tagapagmanang hindi pa umaabot sa tamang edad. Sa pagsapit ng itinakdang panahon, tinatanggap ng eredero ang mana at siya ay hindi na kailangan pang ilagay sa pag-iingat ng isang tagapag-alaga.
Ang mga paliwanag sa bb 3 at 4 ay matatagpuan din sa Sulat sa mga taga-Roma.
Para sa susunod na Linggo: Sulat sa mga Taga-Roma 1-8



