Sa ika-limang Linggo ng Panahong May-Bilang (K), binibigyang diin ng liturhiya ang tawag ng Kabanalan. Ang unang pagbasa na halaw sa Isaias 6, ay isang salaysay tungkol sa bokasyong tinanggap ni Isaias na maging tagapagsalita ni Yahweh sa isang bayang nagmamatigas sa kanilang pagkamasuwayin. Ang bokasyon ni Isaias ay may kasamang misyon na kanyang natanggap pagkatapos na dalisayin siya ni Yahweh. Sa salaysay ni Lukas tungkol sa bokasyon ni Simon Pedro, makikita na: (a) si Jesus ang Banal ng Diyos ay nakikilala sa pang-araw-araw ng buhay, (b) na siya’y patuloy na tumatawag ng mga mangingisda ng tao, at (c) at si Simon Pedro ang larawan ng isang tao na ginulantang ni Jesus upang sumunod sa kanya.
Ang Teksto
1 Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. 3 Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
5 Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” 6 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya’t halos mapunit ang kanilang mga lambat. 7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa’t halos lumubog ang mga ito. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako’y isang makasalanan.”
9 Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag ka nang matakot. Mula ngayo’y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”
11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Mga Katanungan Tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus sa salaysay na ito?
- Anu-ano ang katawagan sa lawa kung saan naganap ang pangyayaring isinalaysay?
- Ilang bangka ang nakita ni Jesus sa lawa? Kaninong bangka ang kanyang pinili? Si Simon ba ay kilala na ni Jesus noon?
- Marunong pa ba ang isang karpintero tungkol sa pangingisda kesa mangingisda? Sa salaysay, ano ang iniutos ni Jesus kay Simon? May dahilan ba si Simon na hindi sundin ang utos ni Jesus na isang karpintero? Nakahuli ba si Simon ng isda pagkatapos siyang utusan ni Jesus? Gaano karami ang huli? Kasya ba sa isang bangka ang huli? Kasya ba sa dalawa?
- Ano ang reaksyon ni Simon sa huli? Ano ang reaksyon ng kanyang mga kasamahan?
- Ano ang sinabi ni Simon kay Jesus? Ano ang sagot nitong huli sa kanya? Ano ang ibig sabihin ng “mangingisda ng tao”?
- Ano ang ginawa ni Simon at mga kasama pagkatapos nilang makabalik sa pampang? Nagpatuloy pa rin ba sila sa kanilang trabaho bilang mga mangingisda?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ang tinatawag na Lawa ng Genesaret ay kilala rin sa tawag na Lawa ng Chinnereth, Dagat ng Tiberias at Dagat ng Galilea.
2. Ihambing ang salaysay na ito ni Lukas sa mga sumusunod na talata:
- Mark 1:16-20/Matthew 4:18-22
- John 21:1-14
Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga kwentong ito?
3. Sa Lukas 5:1-11, alamin ang ibig sabihin ng mga talatang sumusunod:
- “Huwag kang matakot”
- “mangingisda ng tao”
- “at iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya”



