Sa pagdalaw ni Hesus sa Templo ng Jerusalem ay kanya ring iginawad ang hatol laban sa komersyalismo na matatagpuan dito. Dahil sa kanyang ginawang pagtutumba sa mga lugar ng tindahan, hinarap siya ng mga Judio na nanghihingi ng tanda ng kanyang karapatan at kapangyarihang gawin ang kanyang ginawa. Ang ibinigay na tanda ni Hesus ay ang kanyang muling pagkabuhay, nguni’t ito’y hindi naunawaan ng kanyang mga kausap. Ang mga alagad ang nakaunawa nito nang maalala nila ang pangyayaring ito pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Ang Teksto
Gawan ng Daloy ng Parirala at ihambing ang teksto ng Juan 2:13-22 sa tekstong matatagpuan kay Markos, Mateo at Lukas
13Malapit na ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio at umahon si Jesus patungong Jerusalem. 14Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, ng mga tupa at ng mga kalapati, at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo. 15Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid ay tinaboy niya silang lahat papalabas sa templo pati na ang mga tupa at ang mga toro. Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang kanilang mga mesa. 16Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi niya: Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama. 17Naala-ala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: Pinagharian ako ng kasigasigan sa iyong bahay.
18Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Anong tanda ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito? 19Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Gibain ninyo ang banal na dakong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw. 20Sinabi nga ng mga Judio: Apatnapu’t-anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw? 21Ngunit ang banal na dako na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan. 22Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila. Sumampalataya sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.
Bigyan ng pansin ang mga sumusunod
- Ang salitang "Judio" sa ebanghelyo ni Juan ay teolohiko at hindi etniko. "Judio" ang tawag ni Juan sa mga hindi tumatanggap, bagkus ay kumokontra pa, kay Hesus.
- Sa salaysay na ito ay mapapansin may sinabi si Hesus sa mga nagbebenta ng kalapati, isang bagay na hindi makikita sa mga ebanghelyong Sinoptiko.
- Sa salaysay na ito, ang mga alagad mismo — sa pamamagitan ng Ebanghelistang Juan — ang nagsasaad ng kahulugan ng mga gawa at salita ni Hesus. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng alaala. Sa base ng teksto, sabihin kung saan ipinapaliwanag ng mga alagad ang pangyayari sa Templo.
- Ang mga Judio ay nanghingi ng tanda ng karapatan ni Hesus na gawin ang kanyang ginawa. Paano ito sinagot ni Hesus?
- Ano ang ibig sabihin ng sagot ni Hesus ayon kay Juan? Kailan niya ito naunawaan?
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
- Alamin ang ibig sabihin ng Salmo 69:10 sa loob ng konteksto ng salmo
- Tandaan ang mga sumusunod tungkol sa Templo
- Ang Templo nuong dumalaw si Hesus ay hindi pa natatapos. Ito’y inumpisahang palakihin at pagandahin ni Herodes ang Dakila 46 taon na ang nakakaraan.
- Malaki ang Templo. May lugar dito hindi lamang para sa mga sakripisyo at panalangin kundi pati sa pamimili ng hayop na isasakripisyo.
- Para makabili ng sakripisyo, kailangan munang palitan ang ordinaryong pera ng pera ng templo, kung kaya’y may mga tagapalit ng pera sa loob.
- Ang kalapati ay para roon sa mga mahihirap na hindi kayang bumili ng mas malalaking hayop na isasakripisyo.
- Alamin sa pahinang ito kung paanong inunawa sa iba’t ibang aklat ng Bagong Tipan ang ekspresyong "Katawan ni Kristo=Templo"



