Nuong nakaraang Linggo ay binasa natin ang salaysay tungkol sa Pagpapakain ng Limang-libo (Juan 6:1-15). Ngayon nama’y ipinababasa sa liturhiya ang pagpapaliwanag ni Jesus tungkol sa Tinapay ng Buhay (Juan 6:24-35). Mapapansin na may nilaktawang salaysay. Bago dumating sa pagpapaliwanag tungkol sa Tinapay ng Buhay, si Jesus ay naglakad pa sa dagat. Ito ang dahilan kung bakit hindi malaman ng mga tao kung kailan nakarating si Jesus sa Capernaum. Nilaktawan sa liturhiya ang paglalakad sa dagat nang sa gayo’y mabasang magkasunod ang “tanda” ng pagpapakain at ang paliwanag tungkol dito.
Ang Juan 6:24-35 ang umpisa ng pag-uusap ni Jesus at ang mga tao tungkol sa Tinapay na Nagbibigay-Buhay. Ang pag-uusap ay katulad ng matatagpuan sa Juan 4, ang pag-uusap ni Jesus at ng babaeng Samaritana. Dito, ang tubig sa balon ang naging paraan upang maipaliwanag ni Jesus sa babae ang tungkol sa tubig na bumabalong sa buhay na walang hanggan. Juan 6, ang tinapay na ipinakain ni Jesus ang okasyon upang kanyang ipaliwanag ang kahulugan ng nasasaad sa Salmo 78: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.
Ang Teksto
Gawan ng daloy ng mga parirala ang tekstong sumusunod. Ihambing ang saling ito sa saling iyong tangan. Alamin kung paanong isinasalamin sa ibang bersyon ang mga katagang may salungguhit
24Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus. 25Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?
26Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.
28Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?
29Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.
30Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.
32Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.
35Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Nasaan ang mga tao nang mapansin nilang wala na si Jesus at ang kanyang mga alagad?
- Bakit hindi alam ng mga tao na nawala na si Jesus?
- Saan nila hinanap si Jesus? Natagpuan ba nila?
- Ayon kay Jesus, bakit siya hinahanap ng mga tao?
- Ano, ayon kay Jesus, ang pagkaing dapat na pinagsusumikapan?
- Sino ang magbibigay ng pagkaing dapat pagsumikapan?
- Kung ibibigay na, bakit kailangan pang pagsumikapan?
- Sino ang tinatakan ng Ama? Para saan ang pagtatatak?
- Ano sa palagay ninyo ang mas makahulugang pagsasalin para sa t. 28: “mga gawaing mula sa Diyos” o “mga gawaing hinihingi ng Diyos”?
- Ilang gawain, ayon kay Jesus, ang dapat gawin?
- Sinagot ba ni Jesus ang tanong tungkol sa tandang gagawin niya? Ano ang tandang iyon?
- Saan nanggaling ang sitas na “Binigyan nya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit”
- Ano ang mana? Kailan sa kasaysayan ng Israel ibinigay ang mana?
- Ang mana ba ang hindi napapanis?
- Ano ang tunay na tinapay na nagmula sa langit?
- Ang tinapay ba ay para sa uhaw o sa gutom?
Para sa mas malalim na pag-unawa
Basahin ang lathalaing matatagpuan dito para sa karagdagang kaalaman tungkol sa teksto ng Juan 6:24-35.




One Response to “Ang Tinapay na mula sa Langit (Juan 6:24-35)”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply