Sa ika-22 Linggo ng Taon B, ating ipagpatuloy ang pagbabasa ng ebanghelyo ni Markos. Ang Markos 7:1-23 ay mga talata tungkol sa pagiging malinis sa harapan ng Diyos. Para sa mga Hudyo, ang kalinisan pang-ritwal ay kinakailangan upang maging marapat humarap sa Diyos at sumamba sa kanya. Tayong mga Kristiyano ay binigyan ng mas malalim na paglilinis sa mga tubig ng binyag. Ngunit kahit ang binyag ay kailangang magkaroon ng kaakibat na kalinisan ng puso. Ang pagiging tapat sa Diyos ay ekspresyon ng puso ng Anak na nais tumalima sa Ama. Sa mga turo ni Hesus sa pagbasa ng ebanghelyo sa linggong ito, ipinapaalam ng Anak kung paanong magkaroon ng pusong kalugod-lugod sa Ama.
Ang Teksto
Ang teksto ng Markos 7:1-23 ay binubuo ng mga sumusunod na bahagi
- Tungkol Sa Kalinisan
- Introduksyon (1)
- Ang tanong ng mga Fariseo at eskriba tungkol sa hindi paghuhugas ng mga alagad (2-5)
- Ang sagot ni Hesus (6-13)
- Tungkol Sa Pagkain
- Introduksyon (14)
- Talinghaga: Ang Lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya (15-16)
- Ang Paliwanag sa Talinghaga (17-23)
Ang pagbasang liturhiko ay pinili mula sa mga talatang 1-8, 14-15, 21-23. Samakatwid nilaktawan ang mga sumusunod na talata: 9-13, 16-20. Basahin ang kabuuan ng Markos 7:1-23 at subukang bumuo ng opinyon tungkol sa kung bakit inakalang hindi makakasira sa pag-unawa ng teksto ang paglaktaw sa mga tt. 9-13 at 16-20.
Mga Tanong
- Sino ang mga lumapit kay Hesus? Sino ang mga Fariseo? Sino ang mga eskriba? Saan nanggaling ang iba sa mga ito?
- Ano ang mga nagbunsod sa mga bagong dating na tanungin si Hesus? Tungkol saan ang kanilang tanong?
- Ano ang nakagawiang gawin ng mga Hudyo bago kumain? Ito ba ay katulad ng paghuhugas ng kamay natin bago kumain?
- Ano ang talata sa Bibliya na naging batayan ng tugon ni Hesus? Ano ang sinasabi ng talata? Paano ipinapaliwanag ng talata ang katayuan ng mga Fariseo at eskriba sa harapan ng Diyos?
- Ano ba ang kamalian ng mga Fariseo at eskriba?
- Ano ang talinghagang sinabi ni Hesus? Kanino niya ito sinabi? Naunawaan kaya ng mga sinabihan ang talinghaga?
- Kanino ipinaliwanag ni Hesus ang talinghaga? Saan bahagi ng ebanghelyo ni Markos ipinapaliwanag kung bakit nagsasalita ng patalinghaga si Hesus? Bahagi ba ng kaparaanan ni Hesus na magsabi ng talinghagang ipapaliwanag lamang niya sa mga alagad?
- Ang pagkain ba ay nagpaparumi sa tao?
- Ano ang talagang nagpaparumi sa tao ayon kay Hesus?
- Ayon sa palliwanag ni Hesus, may mga pagkain bang nagdudulot ng karumihan sa tao?
- Batay sa iyong sagot sa nn. 9-10, ano ang iyong masasabi tungkol sa mga sekta at kultong nagbabawal ng pagkain ng dinuguan at adobong baboy?
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
1. Pansining maigi ang mga kontrasto ng “labas” at ‘”loob” sa mga talata ng Markos 7:1-23. (Basahin ang lathalain ni Jerome Neyrey na matatagpuan dito)
2. Pansinin din ang mga komento ng ebanghelista na matatagpuan sa mga sumusunod na talata:
- 3-4 Ang gawi ng mga Fariseo at mga Hudyo
- 19 (dulo ng talata) “sa pagsabi nito inihayag niya na ang lahat ng pagkain ay malinis”
3. Alamin kung sino ang mga Fariseo at mga eskriba sa buhay ng mga Hudyo ng 1 siglo AD.
4. Basahin ang lathalaing ito tungkol sa “tradisyon”.




Leave a Reply