imageHabang si Jesus ay papalapit sa Kalbaryo kung saan, bagaman mayaman ay magiging mahirap siya upang tayo’y papagyamanin (2 Corinthians 8:9), ituturo naman niya sa kanyang mga alagad kung paanong gamitin ang kayamanan upang marating din nila ang luwalhating nais ibigay sa kanila ng Ama. Ang "Talinghaga ng Tusong Katiwala" ay isang hamon para sa mga alagad na maging maparaan sa paggamit ng kayamanan upang tunay ngang sambahin ng lahat ang ngalan ng Ama at hindi ito lapastanganin.

Ang Teksto ng Lukas 16:1-15

Pansinin kung paanong ang mga tt. 1-15 ay may mga kaugnayan. Sa t. 9, sinasabing nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita. Ang ipinagpapatuloy niya ay ang kanyang sinabi sa tt. 1-8. Ibig sabihi’y may kaugnayan sa talinghaga ang kanyang mga sinasabi sa tt.9-13. Sa t. 14, sinasabing narinig ng mga Pariseo ang kanyang mga sinabi at kinutya nila si Jesus. Dahil dito ay nagsalitang muli si Jesus.

1 Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, "May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ariarian. 2 Kaya’t ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang a langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t palitan mo, gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito."

9 At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, "Kaya’t sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

13 "Walang aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan."

14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi. 15 Kaya’t sinabi niya sa kanila, "Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

Daloy ng Parirala

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Sino ang mga kausap ni Jesus?
  2. Tungkol sa ano ang talinghagang sinabi niya sa kanila?
  3. Sa talinghaga, sino ang bida, ang katiwala o ang may ari ng negosyo?
  4. Sa talinghaga, nagkaroon ng problema ang katiwala: siya’y mawawalan ng trabaho. Paano umabot sa ganitong kalagayan ang bida ng salaysay?
  5. Ang pagpapatanggal sa trabaho ng katiwala — ito ba ay gusto ng may ari ng negosyo dahil siya ay nalulugi na o dahil siya’y napahiya?
  6. Kung matatanggal sa trabaho ang katiwala, makakakuha ba agad siya ng trabaho bilang katiwala sa negosyo? Ano ang paraan niya para kung matanggal man sa trabaho ay tatanggapin naman siya ng iba?
  7. Sa ginawa ng katiwala sa pagbabawas ng mga utang ng mga taong may obligasyon sa kanyang amo, ipinakita ba niyang mabait ang kanyang amo o maramot ito?
  8. Sa ginawang pagbabawas ng kanilang mga utang,ipinakita ba ng katiwala na ang negosyo ng kanyang amo ay nalulugi?
  9. Dahil ipinakita ng katiwala na ang kanyang amo ay mabait at yumayaman sa negosyo, pinapalabas ba ng katiwala na hindi magaling na negosyante ang kanyang amo?
  10. Dahil sa ginawa ng katiwala, dapat ba siyang purihin ng kanyang amo?
  11. Paano kung ang basa sa t. 8 ay ganito: "At pinuri ng Panginoon ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. (Aniya) Mabuti pa ang mga makasanlibutan: mas mahusay pa silang gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito." Ito ba ay hamon sa mga maka-Diyos na maging maparaan sa paggamit nila ng kanilang kayamanan?
  12. Ayon sa Panginoon, paano ang tamang paggamit ng kayamanan?
  13. Ang lahat ng kayamanan na meron ka ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos na siyang may-ari ng lahat. Ayon sa Panginoon, ano ang iyong dapat gawin upang maituring na mapagkakatiwalaan?
  14. Ang alipin ba ng kayamanan ay maituturing din na alipin ng Diyos? Sino ang itinuturing na alipin ng kayamanan?
  15. Ano ang sinabi ng Panginoon na naging dahilan para sa mga Pariseo na kutyain siya? Ang talata 13 lang ba o ang kanyang sinabi mula sa t. 9? O narinig din nila ang talinghaga ng katiwala?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Kailangang unawain ang talinghaga ayon sa pagpapahalaga ng mga Judio sa kanilang reputasyon (honor and prestige). Ang may-ari ng negosyo ay napahiya (sa mga Judio, "nawalan ng mukha") dahil nababalita na pala na siya’y tanga — siya’y niloloko ng isang katiwala at hindi pa niya malalaman kung walang magsusumbong. Dahil dito’y tatanggalin niya sa trabaho ang kanyang katiwala, para mawala ang dahilan ng kanyang kahihiyan. Sa bandang huli ay pinuri pa niya ang katiwalang tuso dahil sa ginawa nitong pagbawi sa kanyang kahihiyan.

2. Dapat unawain na sa mga Banal na Kasulatan, ang kayamanan ay maaaring ituring na biyaya mula sa Diyos o resulta ng pagkaganid sa yaman. Kaya nga’t sa Bagong Tipan ang pag-ibig sa kayamanan ay itinuturing na ugat ng lahat ng kasamaan. Kung kaya naman kahit ang Panginoong Jesus na rin ang nagsasabing hindi maaring maging alipin ng kayamanan ang taong nagnanais na maging alipin ng Diyos. Kailangan siyang mamili ng ituturing na Panginoon.

3. Ayon sa turo ng Panginoon, ang kayamanan ay makakatulong sa tao na marating ang piling ng Diyos kung ito’y gagamitin ng maayos. Basahin ang mga sumusunod na talata:

  • Lukas 6:33-36
  • Lukas 18:18-30
2 Corinthians 8:9
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg Greek
9For you know the grace of our Lord Jesus Christ, that being rich he became poor, for your sakes; that through his poverty you might be rich.

Leave a Reply

*

AWSOM Powered