Ubi Caritas et amor, Deus ibi est. Kung saan naroon ang Pag-ibig at Pagmamahal, nanduon din ang Diyos.
Sa mga tumutupad ng mga turo ni Jesus, ibibigay ang Banal na Espiritu. At sila’y gagawing tahanan ng Anak at Ama. Kaya nga’t ang Iglesya, ang lugar sa mundo kung saan ang pag-ibig sa Diyos at sa tao ay isang estilo ng buhay ay ang lugar din kung saan mararanasan ang Immanu-El, ang Diyos sa ating piling.
Ang Teksto
18 Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako’y nasa Ama, at kayo nama’y nasa akin at ako’y nasa inyo.
21 Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya. 22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?
23 Sumagot si Jesus, Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y tatahan at mananatili sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
Mga Tanong sa Teksto
- Ano — ayon kay Jesus — ang tanda na ang isang alagad ay umiibig sa kanya?
- Anong mga turo ni Jesus ang naaalala mo?
- Ano ang hihingin ni Jesus sa Ama na ibibigay sa mga alagad?
- Kung magbibigay ng “isa pang Tagapagtanggol”, sino ang unang Tagapagtanggol?
- Sa anong pangalan nakikilala ang “isa pang Tagapagtanggol” na ito?
- Hanggang kailan mananatili ang Tagapagtanggol na ito?
- Ano ang gawain ng Tagapagtanggol?
- Babalik uli ako — sabi ng Panginoon. Kailan uli siya babalik?1
- Nagpakita ba uli si Jesus sa mga alagad? 2
- Sino ang mga iniibig ng Ama?
- Saan mananahan muli si Jesus at ang Ama?
- Kapag kayo’y tinanong: nasaan ang Banal na Sang-tatlo, ano ang inyong itutugon? ((Basahin ang tugon ni Jesus sa mga nagtatanong: “Saan ka nananahan?” sa Juan 1)
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Repasuhin ang mga sinabi ni Jesus sa mga tt. 1-12 na atin nang pinag-aralan. Anu-ano ang mga sinabi ni Jesus sa mga talatang ito?
2. Kung pananalig ang tema sa tt. 1-12, pag-ibig naman ang tema sa mga tt. 15-21
(a) Paano iniibig si Jesus?
(b) Paano iniibig ang Ama?
3. Ang sinalin sa salitang “Tagapagtanggol” ay ang Griyegong “Parakletos” na sa Inggles ay “Paraclete”. Sa Griyego, dalawa ang ibig sabihin ng “Parakletos”: Abogado (kaya nga Tagapagtanggol) at Taga-aliw (kaya nga hindi mangungulila ang mga alagad habang nasa piling nila ang Parakletos).
4. Ang kahulugan ng katagang “Espiritu ng Katotohanan” ay “Espiritung nagdudulot ng Katotohanan”. Sino ang Katotohanan?
5. Sa mga talatang ating binabasa, paano ipinapaliwanag ni Juan na si Jesus nga ang Immanu-el, “Diyos sa ating piling”?



