Email This Page Email This Page
angfrayle on October 30th, 2008

Ang Panginoon ay babalik na muli, kung kaya naman ang bawa’t Kristiyano dapat manatiling gising at naghihintay para sa araw na iyon. Bago umalis ang Panginoon may ipinagkatiwala siya sa kanyang mga alagad: ang ebanghelisasyon. Ayon sa Panginoon, ang tapat at masipag na utusan ay siyang matatagpuan ng kanyang Panginoon na ginagampanan ang kanyang tungkulin. Sa talinghaga ng mga talento, idinidiin ng Panginoon na ang utusan na hindi ipagsasapalaran ang ipinagkatiwala sa kanya ay isang utusang tamad at walang silbi.

Ang Teksto

Hindi mahirap sundan ang salaysay ng talinghaga ng mga "talento." Ang "talento" ay perang malaki ang halaga. Ito’y maaaring ginto o pilak. Ang mahalaga sa talinghaga ay ang ginawa ng tatlong utusan sa talentong ipinagkatiwala sa kanila.

14Ito ay katulad din sa isang lalaking papaalis ng bansa. Tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian. 15Ibinigay niya sa isang alipin ang limang talento, sa isa pang alipin ay dalawang talento at sa isa pang alipin ay isang talento. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kaniyang kakayanan. Siya ay umalis agad ng bansa. 16Siya na nakatanggap ng limang talento ay nangalakal at tumubo ng lima pang talento. 17Gayundin ang nakatanggap ng dalawang talento, siya ay tumubo ng dalawa pa. 18Ngunit siya na nakatanggap ng isang talento ay umalis. Siya ay naghukay sa lupa at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

19Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang Panginoon ng mga aliping iyon at sila ay nagbigay-sulit sa kaniya. 20Dumating ang nakatanggap ng limang talento at nagdala siya ng lima pang talento. Sinabi niya: Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang limang talento. Narito, bukod dito ay tumubo pa ako ng lima.

21Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming mga bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

22Dumating din ang nakatanggap ng dalawang talento. Sinabi niya: Ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento. Tingnan mo, bukod dito ay tumubo pa ako ng dalawa.

23Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

24Dumating din ang nakatanggap ng isang talento. Sinabi niya: Panginoon, kilala kita na ikaw ay isang malupit na tao. Umaani ka sa hindi mo inihasik at nagtitipon sa hindi mo ikinalat. 25Dahil sa takot, ako ay umalis at itinago ang iyong talento sa lupa. Narito ang para sa iyo.

26Sumagot ang kaniyang panginoon: Ikaw ay masama at tamad na alipin! Nalalaman mo na ako ay umaani sa hindi ko inihasik at nagtitipon sa hindi ko ikinalat. 27Nararapat sana na inilagay mo ang aking salapi sa mga mamamalit ng salapi. At sa aking pagdating ay tatanggapin ko ang aking salapi na may tubo.

28Kunin nga sa kaniya ang talento at ibigay sa kaniya na may sampung talento. 29Ito ay sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana. Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya. 30Ang walang silbing alipin ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Pansinin ang mga sumusunod

  1. Tingnan sa iyong salin ang nasa talata 13. Ito ang kasabihang ipapaliwanag ng talinghaga.
  2. Iba’t ibang halaga ang ipinagkatiwala ng may-ari sa kanyang mga utusan. Ito ba’y dahil sa paboritismo? Ipaliwanag ang iyong sagot.
  3. Ano ang ginawa ng mga utusan sa kanilang mga "talento"? Paano sila hinatulan ng may-ari?
  4. Ano ang dahilan ng ikatlong utusan at ibinaon niya ang salapi sa lupa? Itinatanim ba ang salapi? Tama ba na ibaon ang salapi?
  5. Ayon sa may-ari, ano ang kamalian ng utusan?

Para sa mas malalim na pag-aaral ng teksto

  1. Ihambing ang talinghaga ng mga talento sa talinghaga ng mga utusan sa Mateo 24:45-51. Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba? Gawin din ang paghahambing sa talinghaga ng mga birhen
  2. Alamin ang kahulugan ng mga kasabihang ito:
    1. ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana. Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya.
    2. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

One Response to “Ang Utusang Naduwag”

Trackbacks/Pingbacks

  1. A List of New Pages

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.