Noong isang Linggo ay nabasa natin ang tungkol sa liwanag na nagbigay ng bagong buhay at pag-asa sa mga taong nakalugmok sa karimlan. Ayon kay Mateo, ang liwanag na ito ay si JesuCristo. Ngayon nama’y mababasa nating ang mga nakikinig at gumagawa ng mga sinasabi ni Jesus ay “asin ng sangkatauhan … liwanag ng sanlibutan”. Ang larawan ng asin ay ginamit upang ipagdiinan na ang pagiging epektibo ng mga Kristiyano ay hindi sa paisa-isang pamumuhay kungdi sa pamumuhay bilang Iglesya. Hindi nga ba’t ang mga kandila ay nagbibigay ng liwanag kung ito’y marami at hindi paisa-isa lamang? Kaya nga’t ang liwanag ng Kristiyano ay dapat na katulad ng tanglaw na nagmumula sa isang lungsod na nagliliwanag.

Ang Teksto

13 “Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?

14 “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  1. Sino ang mga kausap ni Jesus sa ating nabasa? Sino ang mga pinagsasabihan ni Jesus ngayon?
  2. Sino ang tinatawag ni Jesus na “asin ng sangkatauhan?”
  3. Saan ginagamit ang asin?
  4. Paano ginagamit ang asin, maramihan ba o paisa-isa?
  5. Mayroon bang asin na hindi maalat? Kung hindi na maalat ang asin, ito ba ay asin pa rin?
  6. Sino ang “ilaw ng sanlibutan”?
  7. Ano ang dahilan at ang paliwanag tungkol sa “ilaw ng sanlibutan” ay nagumpisa sa “lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol”?1
  8. Sa loob ng bahay, saan inilalagay ang ilawan?
  9. Ano ang mangyayari kung ang ilawan ay papatungan ng takalan?
  10. Ano ang dahilan ay kailangang ipakita ang mga mabubuting gawa? Ito ba ay para sa pagpapakitang-tao?

Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa

Basahin ang mga lathalaing tinutukoy sa pahinang ito tungkol sa “asin” at “ilaw” sa Bibliya.


  1. Dahil sa gabi at kung ikaw ay naligaw ng landas, ang liwanag ng isang lungsod ay tanda na mayroon ng masisilungan. At ang liwanag ng isang lungsod ay nagmumula sa mga tahanang naiilawan. Katulad ng asin, ang liwanag na binabanggit ni Jesus ay iyong liwanag na nagmumula sa marami, hindi paisa-isa lang.

Leave a Reply

*

AWSOM Powered