Pagkatapos na makaalis si Judas upang maisagawa ang kanyang masamang balakin, nag-umpisa na rin sa kanyang pamamaalam si Jesus. Ang pamamaalam na ito ay matatagpuan sa Juan 13:31 hanggang sa katapusan ng Juan 16. Ang mga talatang bibigyan natin ng pansin ay ang Juan 14:1-12 na babasahin sa ika-limang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Ang Teksto

1 Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.

5 Sinabi sa kanya ni Tomas, Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan? 6 Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako’y kilala ninyo, a kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.

8 Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami. 9 Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo’y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Nasaan si Jesus at ang mga alagad sa salaysay na ito? Ano ang kanilang ginagawa?
  2. Ano ang dahilan ng pagkabalisa ng mga alagad?
  3. Ano ang tinutukoy ni Jesus sa kanyang pag-alis at pagbabalik?
  4. Saan pupunta si Jesus?
  5. May naaalala ka bang iba pang salaysay tungkol kay Tomas? Ano ang ginawa ni Tomas sa salaysay na iyon?
  6. May naaalala ka pa bang talata kung saan may sinabi si Jesus na katulad ng “Ako ang Daan”? Ano ang kahulugan ng talatang iyon?
  7. May naaalala ka bang salaysay sa ebanghelyo ni Juan kung saan ipinakita ni Jesus na siya ang Buhay?
  8. Ano ang kahulugan ng sinabi ni Jesus na “Ako ang Katotohanan?” Mahalaga ba para sa iyo ang katotohanan?
  9. Ano ang naaalala mo tungkol kay Felipe?
  10. Si Felipe lamang ba ang masisiyahan kung makakakita sa Ama? Ikaw ba ay masisiyahan kong makikita mo ang Diyos?
  11. Kung gusto mong makita ang Ama, ano ayon kay Jesus ang paraan?
  12. Kung gusto mong makita ang mga gawa ng Ama, ano ayon kay Jesus ang dapat gawin?
  13. Kung gusto mong malaman at marinig ang mga ninanais ng Ama, ano ayon kay Jesus ang paraan?
  14. Ayon kay Jesus, makakagawa ka ba ng higit pa sa kanyang mga nagawa? Paano mangyayari ito?

Para sa Mas Malalim na Pag-unawa

1. Para kay Juan, ang kamatayan-muling-pagkabuhay-pag-akyat sa luwalhati ay isang pagkilos lamang na kanyang isinasalarawan sa katagang “ang pagtataas ng Anak ng Tao”. Kung kaya’t ang kanyang pamamaalam ay hindi lamang para sa kanyang pagkamatay kundi pati na rin ang kanyang pag-akyat sa Ama (ang pagluluwalhati sa Kanya).
2. Ang kanyang sinabi sa Juan 10:30 — Ako at ang Ama ay iisa — ay mas maliwanag sa kanyang sinabi ditong “Ang nakakakita sa akin ay nakakita na sa Ama” na mas mauunawaan sa pahayag ni Tomas “Panginoon ko at Diyos ko!”
3. Pagnilayan ang mga katagang ito:

  • Ako ang Daan — “Ako ang Pintuan” (Juan 10:7-10)
  • Ako ang Buhay — tingnan ang Juan 4 at Juan 9
  • Ako ang Katotohanan — tingnan Juan 5:39-40; Juan 8:31-36

Leave a Reply

*

AWSOM Powered