Ang Pag-akyat sa Langit ni JesuCristo ay bahagi ng pagsasaluwalhati niya at pagluklok bilang Panginoon ng sansinukob. Sa kanyang pag-akyat ay hindi niya iniwang nangungulila ang kanyang Iglesya. Bagkus lalo pa nga siyang napag-isa dito sa dahilang Siya ngayon ang itinakdang Ulo ng Kanyang Katawan, ang Iglesya (Kol. 1:18). At dahil Siya nga ay Panginoon na (Fil. 2: 9-11), ang lahat ng mga bansa ay kailangang magpasailalim sa kanyang pananakop bilang Hari ng lahat. Ito nga ang dahilan kung bakit kailangang ang mga alagad ay humayo at gawing alagad ang mga bansa.
Ang Teksto
16 Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya’y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Kailan nangyari ang salaysay ni Mateo, bago mamatay si Jesus o pagkatapos niyang mabuhay muli?
- Paano nalaman ng labing-isa na makikita nila si Jesus sa Galilea?
- Ano ang dahilan at labing-isa ang mga alagad na pumunta?
- Ano ang ginawa ng mga alagad nang makita nila si Jesus?
- Ano ang sinabi ni Jesus na natanggap na niya? Sino ang nagbigay nito sa kanya? Ano ang kanyang ginawa at natanggap niya ito? May naaalala ka bang talata kung saan ipinapaliwanag ang kaugnayan ng kamatayan ni Cristo at ang kanyang pagiging Panginoon?
- Ano ang dapat gawin ng mga alagad habang sila’y humahayo?
- Ang “paghayo” ba ay isang beses gagawin o siyang magiging katangian ng buhay ng alagad?
- Makikita ba ang Sang-tatlo sa sinabi ni Jesus?
- Ang pag-aaral at pagtuturo ba ay mahalaga sa gawain ng mga apostol?
- Ang pagbabautismo ba ay mahalaga sa gawain ng mga apostol?
- Ang pangako ba ni Jesus na siya’y mananatili sa piling ng kanyang mga alagad ay natupad?
Para sa mas Malalim na Pag-unawa
1. Pansinin ang larawang ibinigay ni Mateo tungkol sa huling pagpapakita ni Jesus sa mga alagad:
- nagkita ang mga alagad at si Jesus sa bundok. Mahalaga ang bundok sa ebanghelyo ni Mateo: sa bundok unang binigkas ni Jesus ang kanyang mga pagpapala, sa bundok din naganap ang pagbabagong-anyo ni Jesus, kung saan pinasilip niya ang mga alagad sa luwalhati ng Muling Pagkabuhay. Ang bundok ay lugar ng pagpapakilala ng Diyos, kaya’t dito rin ay ipinahayag ni Jesus ang kanyang pagiging “Panginoon” at ang misyon ng kanyang Iglesya.
- labing-isa ang mga alagad, larawan ng kakulangan; idinagdag pa ni Mateo na may ilang hindi nanampalataya. Ito ang mga taong tinawag ni Jesus na “mga kapatid” (tingnan, t. 10), na bilang grupo ay mahina pa rin sa pananampalataya. Anumang tagumpay na magmumula sa kanilang misyon ay handog ng Cristong Muling Nabuhay. Hindi kailangang “perpekto” ang mga isinusugo; kailangan lamang na sila’y tumupad sa mga utos ng Panginoon.
2. Mag-bautismo “sa ngalan ng Ama, Anak at ng Espiritu Santo”. Ang mga katagang ito ang bumubuo ng sinaunang pormularyo sa binyag na kilala ni Mateo. Sa mga Judio, ang Diyos ay tinatawag na “Ang Ngalan” dahil nga ayaw nilang diretsahang banggitin ang pangalan ng Diyos bilang paggalang dito. Nguni’t sa pormularyong iniwan ni Mateo, “Ang Ngalan” ay sinasabi ng “Ama, Anak at Espiritu Santo.” Sa pormularyong ito ay binibigyan ng ekspresyon ang pagkilala sa Sang-tatlo. Para sa Kristiyano noong una pa, ang Diyos ay “Ama, Anak at Espiritu Santo”. Hindi pa man ito doktrina, ito’y bahagi na ng pananampalataya ng sinaunang Iglesya.
3. “Sa inyong paghayo…” Idiniin ni Mateo ang misyong katoliko ng mga alagad. Kailangan nilang humayo, lumabas ng Galilea at ipahayag ang ebanghelyo. Sa kanilang paghayo ay gagawin nilang mga alagad ang mga bansa, alalaunbaga’y kumbinsihin ang lahat ng tao na magpasailalim kay Cristo bilang Panginoon. At gagawin nila ito sa pagbabautismo at pangangaral.
4. "Lagi akong mananatili sa inyong piling…" Ang “Immanu-el” ay nagpapatuloy pa rin. At ito’y ipinahihiwatig ng Presencia Real, si Jesus sa Sakramento ng Eukaristiya.



